Advertisers
Nawa, ipahintulot ng Amang Diyos, mapabilis ang paggaling ni Doc Willie Ong na ngayon ay dumaraan sa chemotherapy treatment sa sakit nitong cancer sa isa isang pagamutan sa Singapore.
Inihayag ito ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso nang binisita ang kilalang cardiologist, internist, media personality at kolumnista sa pahayagan na ibinahagi ang pagkikita nila sa kanyang Facebook page.
Kasalukuyang bumubuhos ang milyong panalangin para sa paggaling ni Ðoc Willie na nagpapalakas sa kanya ng loob at ang pag-asa na dinaraanang pagsubok, malalampasan at siya ay tuluyang gagaling.
Sa kanyang FB page, sinabi ni Yorme Isko na mahina pa si Doc Willie, at kailangang dumaan pa siya sa maraming chemo sessions.
Kilalang mabuting tao, walang kaaway sa sinomang politiko sa magkabilang partido ng politika, sinabi ni Kois na nagtitiwala siya, gagaling si Doc Willie.
“May awa ang Diyos,” sabi ni Moreno — na tanyag sa palayaw niyang Yorme at Isko na nagpatanyag at nagbalik sa ningning at sigla ng kabuhayan at buhay sa Maynila noong siya ang alkalde ng lungsod.
Sa mga nakaraang iba-ibang political survey, laging kasama sa magic 12 ang mga pangalan nina Isko at Doc Willie sa posibleng magwagi kung tatakbong senador sa May 2025 midterm elections.
Sa kabila ng dinaranas na matinding kirot bunga ng sakit, sa kanyang social media vlog, sinasabi ni Ðoc Willie ang pagtitiwala na kamay ng Diyos ang gagabay sa mga doktor na gumagamot sa kanyang karamdaman.
Sa kanyang FB page, sinabi ni Yorme kahit nanghihina pa sa dinaraanang gamutan, sinabi ni Doc Willie na magpapatuloy siya na magsilbi at tumulong sa mga kababayan sa abot o higit pa niyang makakaya.
Sa kainitan ng presidential campâign noong 2022, isa sa ipinangako ni Doc Willie at ni Domagoso na kung mananalo, magtatayo sila ng pinakamalaking Cancer Hospital sa bansa at ang bawat regional hospital ay lalagyan ng mga modernong pasilidad, kagamitan at mga makinang magpapabilis sa pagpapagaling sa mga pasyente ng cancer.
Sa kanyang vlog, sinabi ni Doc Willie na hindi niya akalain na siya ay magkakasakit ng kanser, pero maluwag niya itong tinatanggap, at ang pagtitiwala at pananampalataya niya sa Diyos ay lalo pang tumibay at lumakas.
Ito nga ang ikinahahanga ni Yorme Isko sa kaibigan na ibinahagi ito sa kanyang FB page na sinasabi:
“His message to all his followers and those who believed in him: Mahal daw nya mga kababayan natin Pilipino at hangga’t malakas siya hindi daw siya titigil ng tulong sa taong bayan at sa bansa hangang sa dulo.”
Sa kanyang vlog, sinabi ni Doc Willie — na may miyon-milyong tagasubaybay sa kanyang free medical advice at payong medikal upang mapalusog ang katawan at isipan — ay malungkot na sinabi na siya ay nagdaranas ng aniya ay “large inoperable sarcoma in his abdomen.”
Marami sa followers ni Doc Willie ang humihikayat sa kanya noon na mag-senador, sa katwirang kailangan sa Senado ang isang mambabatas na magsusulong ng batas na magpapalakas sa sistema ng PhilHealth, at mga adbokasiya para maipatupad ang totoong Universal Medical Health Care sa bansa.
Kailangan, sabi ng maraming netizen na sa Senado, ay mayroong isang doktor na magtataguyod ng kagalingan at medisina sa bansa, at si Doc Willie ay isa sa ipinangakong itataguyod na maipanalo sa Senado sa 2025 — at ito rin nga ang pangarap niya.
Gusto nga ni Doc Willie na tumakbong senador sa nalalapit na eleksiyon sa Mayo 2025, pero paano niya iyon gagawin, ngayon na siya ay may sakit na cancer.
Nasabi nga ni Yorme Isko na sinabi sa kanya ng kaibigan na nais nitong tumakbo, pero paano mangyayari ngayon na ang payo ng mga doktor ay unahin ang kanyang kalusugan, at magpagaling nang husto.
Mas mahalaga ang kanyang paggaling at may pagkakataon pa sa mga darating na eleksyon, at unahin na malunasan ang sakit.
Sa isang pahayag, humingi ng maraming panalangin si Yorme Isko sa lahat — sa kanyang mga tagasuporta at maging sa mga kaibayo sa politika.
Hindi ito ang panahon ng politika, sabi ng dating alkalde ng Maynila, at nakiusap na “sa panahong ito, ang kailangan ni Doc Willie ay ang inyong maraming panalangin at pagtitiwaala na siya ay gagaling.”
“Napakabuti niya, maraming tao ang umaasa sa kanyang malaking tulong, kaya naman ngayon na humihingi siya ng ating taos-sa-pusong panalangin, ito po ay ibigay natin sa kanya. Sa awa ng Diyos, gagaling po si Doc Willie,” sabi ni Yorme.
Kami sa pahayagang ito ay tumatalima sa panawagan ni Yorme Isko na ating alayan si Doc Willie ng maraming dalangin na siya ay kaawaan ng Diyos, at ang mga manggagamot na tumitingin sa kanya ay maging kasangkapan ng ating Panginong Jesucristo sa paggaling ng nag-iisang Doc Willie.
Dumadalangin tayo, nagtitiwala, ang haplos ng kamay ng Amang Diyos ay milagrong papawi ng lahat ng karamdaman ni Doc Willie Ong — na mahal na mahal ng maraming Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.