Advertisers
Binawian ng buhay ang 68-anyos na ina nang sanggahin nito ang bala na para sana sa kanyang anak sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Pontevedra, Capiz
Kinilala ang biktima na si Josefina Asong.
Sa ulat, dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa tama ng isang bala sa dibdib.
Sa imbestigasyon ng Pontevedra Municipal Police Station, nangyari ang krimen sa bahay ng mag-ina sa Sitio Mantawad, Barangay Malag-it, sa Pontevedra, Capiz.
Nagmamadali umanong umuwi ng bahay ang anak ni Josefina na si Ryan at sinabing hinahabol siya ng salarin na kinilalang si Giovani Abolocion III.
Nang makitang paparating na ang salarin, nagtago si Ryan at ang ina nito ang humarap sa galit na salarin.
Hinarang ng biktima ang salarin at ito ang binaril.
Nang duguang bumagsak si Josefina, tumakas ang salarin dala ang baril na ginamit sa krimen.
Isinugod naman sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.
Ayon pa sa imbestigasyon, nagalit ang salarin kay Ryan dahil masyadong malakas ang tunog ng motorsiklo nito habang dumaraan sa harap ng kanyang bahay.