Advertisers
ISANG South African passenger ang inaresto ng mga awtoridad matapos na matuklasan mula sa kanyang pag-iingat ang 6.2 kilo ng shabu, pagdating nito Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Sabado ng hapon Oktubre 12, 2024.
Kinilala ni Mark Almase, Asst. Deputy Collector for Passengers Services , BOC-POrt of NAIA ang nahuling South African na si Phillip Theunissen, 31, siya ay dumating lulan ng Ethiopian Airlines flight ET644 mula Addis Ababa.
Ayon sa ulat ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAI-IADITG) habang sumailalim sa X-ray machine ang mga naka-check-in na bagahe ng suspek ay nakita ng customs examiner ang mga kahina-hinalang larawan sa X-ray monitor na nag-udyok sa mga opisyal na magsagawa ng pisikal na pagsusuri.
Sinabi ni Almase na bago ang eksaminasyon, tinanong ng customs examiner si Theunissen sa customs counter kung mayroon siyang idedeklara, at sumagot ng “wala” at pati sa e-travel declaration ay wala siyang check.
Nang suriin ng customs examiner ang laman ng bagahe ng pasahero sa harap nito at sa presensya ng PDEA at iba pang drug operatives ng gobyerno kabilang ang mga airline representative, bumulaga sa kanila ang humigit-kumulang 6.2 kilo ng shabu na may street value na P42 milyong piso.
Si Theunissen ay agad na inaresto at dinala sa Customs Exclusion Room para sa pagproseso ng mga dokumento at pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)