Advertisers
Sugatan ang isang traysikel drayber nang saksakin ng pasahero habang nakahinto sa Barangay Sta. Lucia Young, bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija noong Sabado ng umaga.
Sa ulat sa tanggapan ni P/Col. Ferdinand Germino, acting provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office, tinukoy na ang biktima, isang 59-anyos na tricycle driver, ng Barangay Concepcion West ng nasabing bayan habang ang salarin na si alyas Pedro nasa kustodya na ng Zaragoza Police Station at nahaharap sa kasong frustrated homicide.
Sa imbestigasyon, 3:00 ng madaling araw, naghihintay ng pasahero ang nasabing drayber nang biglang dumating ang isang lalaki na lango sa alak at nagpahatid sa Barangay Sta. Lucia Old.
Habang bumibiyahe, sinabi ng salarin sa biktima na wala siyang pamasahe. Hindi naman umano ito problema para sa biktima dahil naniniwala siyang ang mga kaanak na lang nito ang magbabayad sa pamasahe ng kanyang pasahero.
Gayunman, hindi nagtagal, nagpahinto ang salarin sa isang tabi para umihi, nguni’t pagbalik nito bigla na lang may hawak na patalim at sinaksak sa likuran nang walang kaalam-alam na biktima.
Sa kabila nito, nagawa pa rin ng biktima na magtungo sa pinakamalapit na presinto ng pulisya at iniulat ang nangyaring insidente.
Sa follow-up operation ng Zaragoza Police, naaresto ang salarin sa kanyang bahay sa Brgy. San Vicente ng nasabi rin bayan.