Advertisers
TINUTUKAN ng patalim sa leeg ang 66-anyos na taxi driver ng pasahero at tinangay ang taxi kasama ang kaniyang cellphone at cash sa Angono, Rizal.
Sa reklamong idinulog ni Marcelino Demoreta, nasa 5’6 – 5’8 ang taas, slim, maikli ang gupit ng buhok, nakasuot ng dilaw na t-shirt, maong at may dalang backpack ang pasaherong holdaper/carnapper.
Sa salaysay ng biktima, 1:30 ng madaling araw ng Oktubre 27 nang maganap ang insidente.
Isinakay niya ang lalaki sa Jenny’s Avenue, Pasig City at nagpahatid sa Aurora Subdivision, sa Angono.
Pagsapit sa destinasyon, nagulat siya nang tutukan sa leeg ng patalim at inutusang bumaba ng sasakyan, kaya hindi na nagawang kunin pa ang cellphone, P3,300 cash na nakalagay sa compartment, at identification cards.
Isang Toyota Vios Sedan (KDS TAXI), kulay puti (UVD442), ang natangay ng lalaki. Nakarehistro ang sasakyan sa pangalang Irish Claire at Antonio Francia Jr. ng Novaliches, Quezon City.
Sa hiwalay na insidente sa parehong lugar, isang 70-anyos na si alyas “Nestor”, biyudo, ng Taytay, Rizal ang hinoldap ng lalaking may taas na 5’6 – 5’8, slim body at wala ring takip sa mukha, Oktubre 21 (Lunes), 11:30 ng gabi, Aurora Subd., Brgy. San Isidro, Angono.
Ang biktima na nagmamaneho ng Lady Ella taxi, isinakay ang lalaki sa Sta. Lucia, Cainta, Rizal sa harapan ng Padis Point Disco Hub. Nang makarating sa Aurora Subd., tinutukan ng patalim sa leeg ang driver at kinuha ang dalawang cellphones, P3,000.00 cash at iba’t ibang IDs.