Advertisers
MALINAW na gusto ng mga Kongresista na kilala bilang mga ‘kaliwa’ na ibigay ang dating Pangulo sa kamay ng Internation Criminal Court (ICC).
Sila yung ubod ng iingay sa samu’t-saring isyu ng Pinas lalo kung ang pag-uusapan ay ang pananatili ng lahi ni Trumpo sa ating bansa. At kahit sino ang maupo sa Malakanyang ay tiyak na mayroon silang pintas o batikos.
Pero halos hindi naman marinig ang boses ng mga ito sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) na ang katunggali natin ay yung mga Singkitsupoy na ubod ng kawawalang-hiya sa ating karagatan.
Ang ipinagtataka rin ng marami ay kung bakit inubos nila ang kanilang talino noong nakaraang pagdinig sa Kongreso upang ipunto lamang na dapat isailalim sa pag-uusig ng ICC ang dating Pangulo.
Kung totoo ang pagiging maka-bayan ng Pinoy ay marapat lamang na ipaglaban ang lahat ng teritoryo ng Pinas – dagat man, hukuman, mga batas, polisiya lalo na ang Konstitusyon.
Ramdam ang pagiging maka-bayan ng Pinoy kung tinatangkilik nito ang sariling atin. Hindi ang kultura, punto o polisiya ng mga dayuhan tulad na lamang ng mga taong nasa likod ng sistema ng ICC na pihadong hindi mga Pinoy.
Ipinamumukha ng mga ito na sila ay maka-bayan subalit gusto nila ipamigay ang dating Pangulo sa mga dayuhan samantalang nariyan naman ang sistema ng hustisya ng ating Inang Bayan. ‘Makabayan’ o ‘Makabayad’?
* * *
Ipinanawagan ng Malakanyang na iwasan ng mga tanggapan ng gobyerno na magsagawa ng magarbong ‘Christmas Party’ bilang tugon ng pakikiramay o pakikidalamhati sa mga nasalanta ng bagyo.
Kung mayroon spaghetti o litson, magarbo ba? Kung ginanap sa otel na may kasama pang tugtugan, magarbo kaya? Maglabas naman sana ng eksaktong pamantayan kung kailan maituturing na magarbo ang naturang okasyon.
Pihadong sangkaterbang batikos o bintang ng pagiging magarbo kung walang pamantayan sa panawagan na ito ng Malakanyang. Pero para ligtas sa batikos dahil walang pamantayan… wala na lang ‘Christmas Party’.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com