Advertisers
BUGBOG-SARADO ang legal officer ng Philippine Coast Guard (PCG) nang kuyugin at lamugin ng tumatakbong board member at mga kasama nito sa loob ng bar sa Puerto Princesa City, Palawan.
Kinilala ang biktima na si Atty. Edgar Allan Ocampo at ang namuno sa pagbugbog umano rito sa biktima si Christian Miguel Sabando na aspirante sa unang distrito ng Palawan.
Sa report ng Puerto Princesa City Police Office, nagtungo si Ocampo sa Underground (UG) bar sa Rizal Ave. sa Barangay Manggahan, Puerto Princesa City para makipagkita sa kaibigang abogado 12:15 ng hatinggabi.
Sinalubong umano ito ni Sabando at biglang sinampal. Sumunod ang mga kasama nito na sina Albert John Eugene Villon, Kim Zaballa at Nicholas Laksman Lintag Low, na kapwa nasa hustong gulang at binugbog ang abogado.
“I will not go into the details but nung inaproach nya ako he was already intimidating, intimidating me at he was already nang po-provoke na sya at nag aamok na sya” ayon kay Atty. Edgar Allan Ocampo.
Ayon kay Atty. Ocampo, lahat ng paratang na ibinabato ni Crite sa kanya walang katotohanan at kaya umano nitong patunayan na hindi niya alam ang naging rason bakit ito binugbog at pinagtulungan.
Hinamon rin ni Atty. Ocampo si Miguel na ilabas ang lahat ng ‘Unsolicited Messages’ na umano’y sinasabi nito na kanyang tini-text ‘di umano sa kasintahan ni Miguel.
Iniimbestigahan na ng PNP Puerto Princesa City ang insidente habang sasamampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.