Advertisers
NAMATAAN umano ang negosyante at pangunahing akusado sa missing sabungeros na si Atong Ang sa Cavite nitong buwan ng Abril.
Pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, nang makarating sa kanya ang impormasyon na namataan si Ang sa isang lugar sa Cavite noong nakaraang buwan, agad siyang bumuo ng tracker team.
Upang matiyak na walang makapaglalabas ng impormasyon, pansamantalang kinumpiska ang mga cellphone ng mga miyembro ng raiding team.
Ngunit sa kabila ng mabilis na operasyon, nakalusot pa rin si Ang.
Nagmamadali itong umalis at iniwan pa umano ang kaniyang pagkain na mainit-init pa.
Ayon kay Remulla, nakagawian na rin umano ni Ang na manatili lamang sa isang lugar sa loob ng dalawang araw bago muling lumipat ng lokasyon.
Nitong nakalipas na dalawang linggo ay namataan din si Atong Ang sa CALABARZON.
Sinabi pa ng kalihim na hindi siya makapapayag na hindi maaresto ang negosyanteng si Ang.