Advertisers
Ni Archie Liao
IBANG klaseng Daniel Padilla ang mapapanood sa pinakabagong serye ng ABS-CBN na “Incognito.”
Pagkatapos kasing ma-identify sa drama at romcom, sasabak naman si DJ sa pag-aaksyon.
Katunayan, bilang paghahanda sa kanyang role ay nag-training si Daniel sa wushu, mixed martial arts, target shooting, combat training at iba pa.
Kulang na nga lang ay siya na ang gumawa ng sariling stunts.
Sa grand mediacon, natanong si DJ kung nakakaramdam ba siya ng pressure dahil posibleng maikumpara siya sa ama at sa tiyuhin nitong si Robin na nakilala sa paggawa ng action movies.
“Wala naman silang binibigay na pressure sa akin. Wala rin akong nararamdaman na kaba or anuman. Hindi ko alam, eh. Pero I’m just doing my best, iyon lang. Kung ano ang kalabasan no’n, eh di that’s it, you know.
“Basta I’m doing my best and I’m proud sa mga nagagawa naming lahat as a group. Sa trailer pa lang, excited na ako,” aniya.
Pagbibiro pa ng aktor, wala raw binatbat ang amang si Rommel sa kanyang mga ipinakita sa serye.
“Parang excited na akong ipakita sa erpat ko ito. Parang panis siya sa akin,” pabiro niyang hirit.
May kambyo naman siyang sinabing nagbibiro lamang siya.
Dagdag pa niya, magkakaiba naman daw sila ng istilo ng ama at ng tito niyang senador pagdating sa pagsabak sa action genre.
“Iba-iba naman ang timpla namin, eh. Magaling si tito Robin, mahusay siyempre, ‘di ba? Ang tatay ko, nandoon din, ang mga tito ko pero iba-iba naman kami ng timpla, ” bulalas niya.
“Tingnan natin kung ano naman ang maio-offer ko,” pahabol niya.
Ang naturang serye ay masasabing isa sa pinakamalaking pasabog ng ABS-CBN ngayong 2025.