Advertisers

Advertisers

DALAWANG RUTA LABAN KAY SARA

0 60

Advertisers

MAYROON dalawang ruta sa pag-usig kay Sara Duterte. Una: pagpapatuloy ng impeachment complaint; ikalawa: pagsasampa ng criminal charges sa kanya sa hukuman. Plunder ang itinuturing na pinakamatinding asunto na maaaring iharap kay Sara. Swak na swak siya diyan dahil hindi niya naipaliwanag ang paggamit ng P612-M na confidential fund.

May isinampang dalawang impeachment complaint sa Camara de Representante. Isinampa ang unang ng mga democratic warrior sa pangunguna ng Mamamayan ng Liberal (ML), Magdalo, at Akbayan. Nanguna ang Makabayan Bloc sa ikalawang reklamo. May nakaambang pangatlong impeachment complaint na maaaring isampa sa susunod na linggo.

Hindi malayo na isampa ang asuntong plunder (pandarambong) laban kay Sara. Tumanggi siyang humarap noong Miyerkules sa NBI. Inaasahan ng itutuloy ng NBI na isampa ang asunto sa DoJ kahit nagsumite ang kanyang mga manananggol ng counteraffidavit. Wala siyang ibinigay na anumang katanggap-tanggap na paliwanag sa paglustay ng confidential fund.



Ani Kin. Joel Chua, hepe ng committee on good governance and public accountability, maaaring pagsabayin ang dalawang ruta. Habang humaharap sa impeachment complaint, puede sumabay ang pagsampa ng sakdal na plunder sa palalong lider.

Wala kaming reklamo kung pagsabayin ang dalawang ruta. Pabor na pabor kami dahil paraan ang mga ito para tuluyan mawala na si Sara sa pulitika ng bansa. Hindi dapat maging kapalaran ng Filipinas na mayroon isang may sayad sa pag-iisip ang nananatiling pangalawang pangulo.



Ang aming pangamba ay ang sakdal na pandarambong. Ayon sa batas, tanging sa Office of the Ombudsman dapat isampa ito at kung sumulong, isampa sa Sandiganbayan. Hindi kanais-nais ang uri ng Ombudsman na mayroon tayo sa ngayon. Tahasan namin sinasabi na wala kaming tiwala kay Samuel Martires.

Hindi siya magaling na abogado. Kung hindi siya nag-uulyanin, hindi ganap na nauunawaan ang batas. Ikinakatakot namin na tunawin lang ni Martires ang sakdal na plunder laban kay Sara. Kakampi ng mga Duterte si Martires sa mga isyu.



Sa tingin ni Chua, pinakamaganda na unahin ang impeachment dahil ito ang batayan ng sakdal na plunder laban kay Sara. Dito nakabatay ang susunod na criminal charges laban sa kanya.

***

MAY isang kaibigan na takang-taka dahil sa walang sawang pagtitiis ng mga masokistang (?) Filipino sa mapaminsalang pamilya ng Duterte. Hindi dapat na sila ang kapalaran ng ating bansa, aniya. Hindi tayo dapat maging kapareho ng Nazi Alemanya na tiniis si Adolf Hitler na nagdala sa kanila sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Dinala ni Hitler ang mga Aleman sa isang malaking pagkatalo, ayon sa aming kaibigan. Hindi natin dapat hayaan na dalhin tayo ng ga Duterte sa kung anong kamalasan, aniya. Hindi pa huli ang lahat, aniya, dahil hindi sila ang kapalaran ng bansa.

***

NABIGO ang mga kakampi ni Misfit Sara na ibalik ang kinaltas ng Camara de Representante sa panukalang budget ng OVP sa 2025. Nais ng mga kakampi tulad ni Sherwin Gatchalian, Bato Dela Rosa, Bong Go, Robin Padilla, at kahit ng balimbing na si Francis Tolentino na ibalik sa P2.1 bilyon ang budget. Hindi pumayag ang mas malaking bilang ng mga senador na ibalik ang P1.3 bilyon sa P733 milyon na budget ng OVP.

Hindi pinag-usapan ang anumang panukalang dagdag sa budget ng OVP. Ipinako ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa P733-M. Tapos ang isyu. Iyan ng napapala ng palalong si Sara na ang buong akala ay yuyukod sa kanya ang Kongreso na para siyang diyosa ng kadiliman at kamalasan.

***

MGA PILING SALITA: “May tanong lamang ako: Gumagamit din ba si Sara ng ‘fentanyl’ katulad ng Ama niya? Kapansin-pansin kasi sa tuwing may pa-presscon siya, iba-iba ang kanyang behavior. Minsan malumanay, mabagal mag-isip ng sinasabi, madalas galit na parang mananakit at madalas umiikot ang mga mata?” – Tagamulat Gin Laroza, netisen, kritiko

“If Vice President Sara Duterte refuses to abide by the rule of law and shows no trust in the institutions of our government, then the honourable course of action is for her to vacate her position. Her actions epitomise what a public servant—and much more, a Vice President of the Republic—should never be. She is a glaring example of failed leadership and dereliction of duty.” – DoJ Undersecretary Andres Gimenes

***

IBANG klase ang raket ng Youtube. Nagbabayad ang mga advertiser, o ang mga kumpanya at sino-sino na nagbebenta ng mga produkto at nag-aalok ng serbisyo sa madla. Pero kailangan magbayad ang mga gumagamit ng Youtube upang huwag maabala at makita ang kanilang mga ibinebenta at iniaalok. Premium service ang tawag nila para maiwasan ang santambak na ads sa Youtube. Walang panalo ang napakaraming gumagamit ng Youtube. Mistulang lagaring Hapon ang Youtube. Panalo sa magkabila. Pinagkitaan ang lahat.

Maaaring laktawan ang mga ads. Mayroon skips ads button. Pero dumadami na ang mga ads na walang skip ad button. Walang kawala ang mga user sa mga ads na ito. Panalo uli ang Youtube. Kung gusto mo na walang ad, magbayad ka ng tinatawag nilang premium service. Kailangan mag-isip ng paraan upang maiwasan ang ganitong kalakaran.