Advertisers
ARESTADO ang isang dating kagawad ng Sangguniang Kabataan (SK) matapos umanong mangholdap ng isang 14-anyos na estudyante Biyernes ng hapon sa Barangay San Nicolas s, Bacoor City, Cavite.
Kasong robbery ang isinampa laban kay alyas “Brando”, 19 anyos, residente ng Progressive 7, Brgy. San Nicolas 2.
Sa imbestigasyon ng pulisya, 10:00 ng umaga nang maganap ang panghoholdap nito kay alyas “Jervin”, high school student, ng Malagasang 2, Bacoor City.
Sa salaysay ng biktima sa pulisya, kasalukuyan siyang nasa lugar upang maki-hang out sa mga kaibigan nang lapitan ni Brando at tinutukan ng patalim, nagdeklara ng holdap.
Kinuha ni Brando sa biktima ang kanyang bag, cellphone at P500 cash bago tumakas patungo ng Brgy. San Nicolas 2.
Agad nagpunta sa Barangay Hall ng San Nicolas 2 ang biktima at humingi ng tulong.
Sa follow-up operation ng barangay kasama ang mga operatiba ng Bacoor Police, natiyempuhan ang salarin sa nasabing lugar at nabawi rito ang bag at cellpone na kanyang tinangay mula sa biktima, pero hindi na naibalik ang pera nito.
Narekober sa holdaper ang may 11 pulgadang patalim na ginamit nito sa panghoholdap.