Advertisers
NASAWI ang tatlo katao kabilang ang isang poll watcher at dalawa pa ang nasugatan nang paulanan ng bala ang bangka na sinasakyan ng isang mayoralty candidate sa bayan ng Hadji Muhtamad, Basilan ilang oras bago ang halalan nitong Lunes.
Kinilala ang mga nasawi na sina Murasidul Abduaraham, poll watcher; at mga supporter na sina Samier Allil Jamiri at Ben Akil.
At ang mga nasugatan ay kinilalang sina Haber at Zaldy Alih na isinugod sa pagamutan upang bigyan-lunas sa tinamong mga sugat sa katawan.
Sa report, 1:45 ng madaling araw lulan ang mga biktima ng bangka kasama si mayoralty candidate Jamar Mansul nang paulanan ng bala ng mga armadong lalaki na lulan din ng bangka malapit sa Sangbay Big Island ng lalawigan.
Sa nasabing insidente, nakaligtas si Mansul na kabilang sa tatlong mayoralty candidate sa Hadji Muhtamad.
Si Mansul ay dati nang nagsilbing alkalde ng nasabing bayan mula 2013 hanggang 2019.
Sa report ni Major Nursaibar Mahabdi, hepe ng Hadji Muhtamad PNP, agad hinabol ng seaborne patrol team ng pulisya ang walong armadong lalaking salarin na nauwi sa limang minutong shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Nagawang makatakas ang mga salarin kabilang ang tatlong tumalon sa kanilang mga bangka.
Patuloy ang hot pursuit operations ng mga pulis laban sa mga salarin.