Mayor Honey, VM Yul nanguna sa pagdiriwang ng Hunyo bilang Pride Month
Advertisers
PINANGUNAHAN nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang lungsod ng Maynila sa pagdiriwang ng Hunyo bilang ‘Pride Month’ kung saan kapwa nanawagan ito ng pagkakapantay-pantay at respeto sa lahat ng mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender and queer (LGBTQ+) community.
Ang okasyon, ayon sa alkalde ay nagbibigay ng karampatang pagkilala at karangalan sa makukay na kasaysayan at lakas ng LGBTQIA+ community sa pagharap sa mga pagsubok sa maraming taon.
” Ngayong Hunyo, mas pinanghahalagahan natin ang pagsisikap ng ating mga kapatid na LGBTQIA+ sa kanilang laban sa pantay-pantay na karapatan na umibig at makasama ang kanilang minamahal ng walang panghuhusga mula sa batas at mula sa kung sinuman,” pagbibigay diin ni Lacuna.
Sinabi ni Lacuna na marami ng pagbabagong naganap nang tugunin ng mga miyembro ng LGBTQIA+ ang kanilang tunay na pagkatao dahil sa kanilang takot sa panghuhusga ng kapwa.
“Ngayon, mas malakas na ang tinig at espasyo at mas matingkad na ang kulay ng ating pagkakakilanlan. Sa ating paglalakbay, alam ko na marami pa tayong kailangang baguhin, ituwid at ipaglaban para sa pangarap na isang pantay at ligtas na lipunan, kung saan ang pag-ibig ay para sa lahat. Patuloy tayong lalaban—para sa sarili at sa bawat isa,” Sabi ni Lacuna.
Ayon pa kay Lacuna , mayroong pagkakapantay-pantay sa Maynila, kahit anupaman ang kasarian o katayuan sa buhay. Naniniwala si Lacuna na ang lahat ay entitled sa pantay na karapatan at opurtunidad kahit anupaman ang kasarian o sexual preferences.
Idinagdag ni Lacuna na hiniling niya sa mga barangay sa lungsod na magtalaga ng Gender And Development (GAD) Action Officers na tututok sa mga kababaihan at LGBTQIA+ na mga usapin.
Tinitiyak din ng mga opisyal ng barangay ang implementasyon ng ordinansa na LGBTQ protection and anti-discrimination, Ordinance No. 8695.
Kaugnay pa nito, sinabihan din ng lady mayor ang Manila Gender Sensitivity and Development Council na lumikha ng LGBTQIA+ registry na katulad ng ginagawa ng local government sa kanilang mga residente na may mga kapansanan o persons with disability (PWDs) at senior citizens.
“Naniniwala ako bilang isang Ina na kahit sino ka pa, kahit ano ka pa, may puwang ka sa mundo, may silbi ka sa mundo. Basta’t ang pananaw natin sa buhay ay wala tayong tinatapakan, wala tayong pinagsasamantalahan, may paggalang tayo sa karapatan ng bawat isa at may pananagutan tayo sa malayang pamumuhay,” sabi ni Lacuna.
Ang pagkakapantay-pantay ayon kay Lacuna ay hindi kung paano natin nakikita ang magkakaibang bagay sa parehong paraan kundi sa pagtanggap iba’t-ibang mga bagay sa maraming paraan.
Katunayan, sinabi ni Lacuna na maraming mga posisyon sa City Hall ang hinahawakan ng mga LGBTQ+ members at napakahusay nilang nagagampanan ang posisyon. (ANDI GARCIA)