Advertisers
Kulong ang 23-anyos na lalaki nang mahuli sa akto habang akma sanang babatak ng shabu sa loob ng isang nakaparadang pampasaherong jeep sa Brgy. Manresa, Quezon City nitong nakalipas na Sabado ng gabi (Hunyo 21).
Nabatid sa ulat na nakarating kay Officer-in-Charge (OIC) Quezon City Police District (QCPD) PCOL. Randy Glenn G. Silvio kinilala ang nadakip na si John Hesed Kayaban, binata, walang trabaho at residente ng 45 Biak Na Bato Street, Barangay Manresa, Quezon City.
Sinabi ni PSSg Christopher Bermejo, imbestigador, na nadakip ang suspek sa Dagot Street corner Biak Na Bato Street, Barangay Manresa, QC nitong nakalipas na Sabado ng gabi.
Ayon kay Bermejo na nagsasagawa ng routine anti-criminality patrol ang mga pulis ng Laloma sa pangunguna nina PMSg Leonardo So at Pat Emil Juarez, habang sakay ng pulis patrol vehicle sa kahabaan ng Biak Na Bato Street, Brgy. Manresa nang tawagin ang kanilang atensyon ng isang concerned citizens at isumbong sa mga pulis ang umano’y patuloy na illegal drugs activity na nagaganap sa Dagot Street.
Agad nagtungo ang mga pulis sa naturang lugar at pagdating sa naturang lugar nakita nila ang suspek habang nagpapainit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu habang nasa loob ng isang pampasaherong jeep.
“Nagulat na lamang ang suspek ng sitahin siya ng mga pulis habang nasa aktong sisinghutin na sana ang droga,” ani pa ni Bermejo.
Sa puntong ito agad inaresto ng mga pulis ang suspek na nagulat at hindi na nakapalag pa.
Nakapiit ngayon ang suspek sa naturang himpilan ng pulisya at nahaharap sa kasong paglabag sa “The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”. (Boy Celario)