Advertisers
INIHAYAG ni NBI Director Judge Jaime Santiago (Ret.) na nakatakdang magtayo ng National Bureau of Investigation (NBI) academy sa Alfonso, Cavite.
Sa isang mensahe noong Miyerkules sa mga mamamahayag, sinabi ni Santiago na personal niyang nakipagpulong kay Alfonso, Cavite Mayor Randy Salamat para pag-usapan ang planong pagtatayo ng training center para sa mga tauhan ng NBI sa lugar.
Si Santiago ay nagtime out muna sa kanyang office works at bumisita kay Salamat noong Martes (1 July 2025) tungkol sa kanyang pangarap na proyekto na magtayo ng NBI Academy/Training Center sa loob ng Alfonso area, kung saan ay nangako naman ang alkalde na tutulong ito sa NBI.
Kaugnay nito, bumisita din si Santiago sa Munisipyo ng Lian, Batangas noong Hulyo 2 at nakipag-usap kay Mayor Joseph Peji at ang Municipal Administrator na si JM Austria para pag-usapan ang planong pagbubukas ng satellite office ng NBI doon at upang magkaroon ng access ang mga constituent nito sa pagkuha ng NBI Clearance.
Sinabi ni Santiago na naghanda na si Mayor Peji ng office space para sa satellite branch, na kumpleto sa mga computer at Wi-Fi connection. Nangako rin ang alkalde na magtalaga ng dalawang job order (JO) na manggagawa para tumulong sa mga kawani ng NBI.
Bilang tugon, agad na inaprubahan ni Santiago ang kahilingan at inatasan si NBI Regional Director for Region 4A, Olivo Ramos, na makipag-ugnayan sa local government unit sa paghahanda ng memorandum of agreement para sa mabilis na pagpapatupad ng proyekto. (JOJO SADIWA)