Advertisers
NITONG Huwebes, inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) ang pag-aresto sa dalawang ‘missing links’ sa missing sabungeros.
Ayon kay Brig. General Jean Fajardo, spokesperson ng PNP, inaresto ang dalawang kapatid ni Julie Patidongan alyas “Totoy” ay inaresto sa Southeast Asian country last week, at ibinalik sa Pinas nitong Hulyo 22.
Isa sa mga kapatid na ito ni Patidongan, ayon kay Fajardo, ang gumamit ng ATM card ng missing sabungero para makapagwidro ng cash, habang ang isa ay nakita sa video na umeeskort sa isang biktima na nakaposas. Patay kang bata ka!
Naaresto ang isa sa kanila dahil sa arrest warrant sa kasong robbery, habang ang isa ay dinakip sa paggamit ng ibang pangalan sa kanyang pasaporte.
Ang pag-aresto sa dalawa, ayon sa PNP, ay lehitimo dahil nagkaroon ito ng koordinasyon sa Bureau of Immigration.
Sa pagkaaresto sa dalawa, tiyak magkakaroon na ng linaw kung sino ang utak o nasa likod ng karumal-dumal na krimen, pagdukot at pagpatay sa umano’y mahigit 100 sabungeros noong kasagsagan ng online sabong (2021 0 2022) ng grupo ng gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang.
Sa mga imbestigasyon, direktang itinuro ni Totoy si Atong na siyang nagpadukot at nagpapatay sa naturang mga sabungero dahil sa ginagawa ng mga itong pandaraya o game fixing sa online sabong ng Pitmaster.
Dinala raw sa Talisay, Batangas ang mga biktima, sa safehouse ng isang vice mayor, at inilubog ang mga bangkay sa Taal Lake.
Ang Pitmaster ay pinatatakbo nina Atong, Eric dela Rosa, Celso Salazar at ilan pa, sabi ni Totoy.
Nitong nagdaang ilang araw, sinabi ni Justice Secretary “Boying” Remulla na mayroon silang bagong testigo na direkta ring may alam sa pagkawala ng missing sabungeros.
Ang mga testimonya ng bagong testigo sabi ni Boying, ay tugma lahat sa mga naging rebelasyon ni Totoy. Araguy!!!
Hindi kaya…ang bagong testigong ito ay ang dating vice mayor sa Batangas, na sinasabing bagsakan ng mga bangkay at siyang nagpapatapon sa mga labi sa Taal Lake, o baka itong mga utol ni Totoy na naaresto sa Southeast Asian country? Hmmm… Abangan!
***
Lalong naging kapana-panabik ang kasong ito ng missing sabungeros dahil malalaking tao ang sangkot dito, ayon mismo kay Sec. Boying.
Kaya nga mismong si Pangulong “Bongbong” Marcos ay nagsalita sa kanyang 4th State of the Nation Address (SONA) na “kailangan managot ang mga taong sangkot at utak sa karumal-dumal na krimen, ang missing sabungeros, kahit sino pang malaking tao ang nasa likod nito.”
Diin ni PBBM: “Hindi sila maaring mangibabaw sa batas.”
Sa sinabing ito ni PBBM, doble effort ngayon ang law government agencies para malutas na ang kaso ng missing sabungeros, na ilang taon nang niluluhuran ng mga kaanak ng mga biktima.
Sinibak nga sa puwesto ang direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si BGen. Tomeo Macapaz dahil “kaduda-duda” raw ang ginagawa nitong pag-iimbestiga sa kaso. Mukhang may ‘malaking rason’ daw na dahilan, sabi ni Boying. Hehehe…
Sinasabing bilyones ang umiikot ngayon para mapatay ang kaso ng missing sabungeros.
Manmanan!