Advertisers
Naglabas ngayon ng matindi at agarang panawagan si Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos sa pamilyang Villar na agad at kusang-loob na bawiin ang lahat ng “kaduda-dudang” joint venture agreements (JVAs) sa Local Water Utilities Administration (LWUA), at papanagutin sila sa lumalalang krisis sa tubig na nag-iwan sa milyun-milyong Pilipino nang walang maaasahang suplay ng malinis na tubig.
Ayon kay Santos, ang mga kasunduang ito—na pangunahing kinasasangkutan ng PrimeWater—ay palpak at pumalpak sa taumbayan, nagbigay ng mababang kalidad ng serbisyo habang gobyerno at mga mamimili ang nagdurusa at nagbabayad ng kapalit.
“Kung totoo ngang hindi na kumikita at pabigat na sa inyo ang mga kasunduang ito, wakasan na ngayon din. Bakit ninyo hinayaang magtiis ang mga Pilipino ng dekada-dekadang kakulangan sa tubig habang kayo ang may kontrol? Hindi kasinungalingan ang galit ng taumbayan—ito ay bunga ng kapabayaan, kasakiman, at kawalan ng pananagutan,” mariing pahayag ni Santos.
Sa mga nakalipas na buwan, binaha ang PrimeWater ng reklamo dahil sa mahinang serbisyo sa mahigit 100 water districts. Ayon sa datos ng LWUA, tinatayang 6.5 hanggang 7 milyong Pilipino ang apektado, at 3 hanggang 4 milyon na ang nananawagan ng tuluyang pagwawakas ng kontrata ng PrimeWater.
Isa sa mga pinaka-mainit na tinanggap na pahayag sa Ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang pangako ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na papanagutin ang mga water district at kanilang mga kasosyo dahil sa patuloy na kabiguan nitong tiyakin na may tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng tubig para sa mga mamimili.
Kumpirmado rin ng Malacañang na ang biglaang pagdami ng JVAs ay nangyari noong 2019, sa panahong ang LWUA ay nasa ilalim pa ng Department of Public Works and Highways na pinamunuan noon ni Sen. Mark Villar.
Binigyang-diin ni Santos na ang tunay na sumisira sa reputasyon ng PrimeWater ay hindi ang batikos ng publiko, kundi ang patuloy na kabiguan nitong tuparin ang pinakamahalagang tungkulin—ang maghatid ng sapat at malinis na tubig sa mamamayan.
“Ang tubig ay hindi negosyo para sa iilan—ito ay batayang karapatan ng tao. Bawat araw ng kakulangan sa serbisyo ay atake sa kalusugan, kabuhayan, at dangal ng tao,” ani Santos.
Nangako ang mambabatas na itutulak niya ang buong imbestigasyon ng Kongreso sa lahat ng JVAs sa pagitan ng LWUA at PrimeWater upang papanagutin ang dapat managot at ibalik ang serbisyo sa tubig bilang tiwala ng publiko—hindi personal na gatasan ng makapangyarihang pamilya.
“Tama na ang monopolyo ng pangunahing serbisyo ng gobyerno ng mga taong inuuna ang kita kaysa kapakanan ng tao. Panahon na para unahin ang kapakanan ng bawat Pilipino,” pagtatapos ni Santos. (Cesar Barquilla)