Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
ALINSUNOD sa mandato nito na itaguyod ang responsableng panonood at matiyak ang angkop na klasipikasyon sa lahat ng pelikula at programa sa telebisyon, nakapagribyu ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 11,439 materyales noong Hulyo 2025. Kabilang dito ang 10,325 programa sa telebisyon, 758 TV plugs, 159 publicity materials, 144 movie trailers at 53 lokal at banyagang pelikula. “Ang mga numerong ito ay patunay ng matatag naming pangako na protektahan ang pamilyang Pilipino, lalo na ang mga bata, sa pamamagitan ng tama, angkop at responsableng paggabay sa media,” sabi ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto. Dahil dito, umabot na sa 115,091 materyales ang nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB mula Enero hanggang Hulyo 2025. “Bagamat meron lamang 31 Board Members ang MTRCB, ang pagriribyu nila ng mahigit 11,000 materyales ay patunay ng masigasig nilang serbisyo at tapat na pagtupad sa tungkulin para sa responsableng panonood,” sabi ni Sotto. Patuloy na tinitiyak ng MTRCB ang pakikipagtulungan nito sa industriya ng paglikha para maisulong ang responsableng panonood para sa bawat pamilyang Pilipino, lalo na sa kabataan.
***
AYON kay Bela Padilla ay lucky charm niya si JC Santos.
Unang hit movie raw ni Bela ang 100 Tula Para Kay Stella 8 years ago kung saan leading man niya si JC.
Mula raw noon ay sunud-sunod na ang hit movies niya kahit hindi si JC ang leading man niya.
Hindi naging sila sa tunay na buhay pero dumating sila s apunto na napaisip sila na, “What if naging tayo?”
“Alam mo, parang recently, napag-usapan namin yan.
“Pre-pandemic, bago siya nagpakasal. Parang nagkatanungan kami.
“Kasi, tinanong yan sa amin sa isang podcast.
“I think, parang I’m happy na hindi because I love working with him.
“Kung sakali man siguro that we tried dating before, baka hindi ganito kaganda ang working relationship namin.
“Ayokong dumating kami sa point na hindi kami nagpapansinan or awkward na magkatrabaho kami.
“Kasi, sa lahat ng naging team partner ko, I’m most comfortable with JC.”
“Baka kasi iba yung nasa utak ko. JC, halika rito, tulungan mo ako,” pagbaling ni Bela kay JC.
Nagreak naman si JC ng, “Palagi lang sigurong wrong timing. Siguro dumating, pero hindi nagtatagpo or palaging bad timing.”
Lahad pa ni Bela, “Actually, sa totoo lang, palagi talaga kaming salisi ni JC.
“Parang every time one of us is single, the other is not.”
“I think he ended up with the right person,” pagtukoy ni Bela sa non-showbiz misis ni JC.
Bagong pelikula nina Bela at JC ang 100 Awit Para Kay Stella mula sa Viva Films na ipapalabas sa mga sinehan sa September 10.
Mula ito sa direksyon ni John Paul Laxamana.