Advertisers
DINAMPOT ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dating municipal councilor sa Tiwi, Albay dahil sa umano’y pangingikil sa isang quarry operator kapalit ng pagproseso ng Ore Transport Permit (OTP).
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang dating konsehal na si John Mabini Bron, na nahaharap ngayon sa kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Robbery/Extortion.
Ikinasa ng sanib-pwersang operasyon ng NBI sa Legazpi at Naga matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang quarry operator sa probinsya hinggil sa sunod-sunod na pangingikil.
Sa pamamagitan umano ng middleman na si alyas “Tope” mula sa Provincial Environment and Natural Resources Office office (PENRO), hiningan ng halagang P320,000 ang complainant/operator upang mapabilis ang OTP na kailangan para sa quarry operations.
Ayon pa sa NBI, kapag hindi umano magbigay ang complainant ng hinihinging halaga ay maaantala ang kaniyang OTP.
Sa naunang entrapment operation, hindi ito natuloy nang i-reschedule ng suspek ang transaksyon.
Gayunman, noong Agosto 8 naging matagumpay ang ope-rasyon matapos makumpirma ang abutan ng bayad.
Nang iabot ng complainant ang marked money kay Bron, dito na siya inaresto ng NBI sa BGC Aggregares compound.
Narekober ng NBI ang limang genuine P1,000 bills at P315,000 ‘boodle money’ mula sa suspek kasama ang kanyang cellphone.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng NBI sa kaso.(Jocelyn Domenden)