Advertisers
NANAWAGAN kay PNP Chief, General Nicolas Torre III, ang kampo ng isang pulis na isinasangkot sa kaso ng missing sabungeros na atasan ang CIDG na ilabas ang affidavit ng 12 testigo laban kay Julie “Dondon” Patidongan.
Ayon kay Atty. Bernard Vitriolo, dapat isama ang affidavit na ito upang makumpleto at luminaw ang imbestigasyon ng DOJ sa isyu ng mga nawawalang sabungero.
Si Atty. Vitriolo ay legal counsel ni Police Senior Master Sergeant (PSMS) Joey Encarnacion, ang sinasabing may-ari ng palaisdaan na umano’y pinagtapunan ng mga labi ng mga sabungero.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ng abogado na mahirap na kalahati lang at iisang side lang ng istorya ang nalalaman ng korte sa kaso dahil hindi makakamit ng mga pamilya ng missing sabungero ang tunay na hustisya.
“Umaapila ako na ilabas nila ang mga affidavit na iyan para mabatid ang katotohanan sa likod ng missing sabungero,” sabi pa ni Atty. Vitriolo.
Giit ni Vitriolo, nagkaroon na rin ng imbestigasyon ang CIDG sa kaso ngunit hindi lahat ng lumabas sa imbestigasyon ay isinama sa case folder na isinumite sa DOJ.
Naniniwala si Atty. Vitriolo na makatutulong ang buong imbestigasyon na ito na maabswelto ang kaniyang kliyente na si PSMS Encarnacion.
Malaki, aniya, ang posibilidad na maabswelto rin ang iba pang akusado dahil makikita sa kabuuan ng affidavit na tanging ang Patidongan brothers lamang ang kumikilos na mistulang isang sindikato.