Advertisers
KINUMPIRMA ng Malakanyang nitong Miyerkules na nag-alok si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng bagong posisyon sa gobyerno kay dating Philippine Natio- nal Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III kasunod ng biglaang pag-relieve nito sa pinakamataas na posisyon sa pulisya.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press officer Claire Castro sa mga mamamahayag na hindi pa ibinubunyag ang posisyon habang hinihintay ang kumpirmasyon ni Torre.
“Hindi pa po natin maisisiwalat ang detalye patungkol dito pero confirmed po na may inaalok pong posisyon,” sinabi ni Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.
Ang pagtanggal kay Torre ay dumating pagkatapos ng inilarawan bilang “irreconcilable issues” sa National Police Commission (Napolcom).
“Maliwanag naman po siguro ang pagkakasabi ni (Interior and Local Government) Secretary Jonvic Remulla kahapon at mayroong mga issues na hindi napagkasunduan at we just have to respect the wisdom of the President on this matter,” wika pa Castro.
Minaliit din ng opisyal ng Malakanyang ang espekulasyon ng isang magulo na transisyon, na binanggit na tinanggap ni Torre ang desisyon ng Pangulo.
“Nagkausap naman po sila at alam po natin na naiintindihan ni General Torre kung ano iyon naganap at nirerespeto rin po niya kung ano po iyong naging desisyon ng Pangulo sabi pa niya..
Si Torre, na umako sa pamunuan ng PNP noong Hunyo, ay nangasiwa sa mga high-profile operations kabilang ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at Kingdom of Jesus Christ leader na si Apollo Quiboloy.
Tumanggi si Castro na kumpirmahin kung ang posisyon na inaalok ay isang cabinet portfolio.
Aniya, “Ibibigay po ang detalye kapag po naayos na po at nabigay na po ang pagsang-ayon ni Gen. Torre. (Vanz Fernandez)