Advertisers

Advertisers

KATAMPALASAN NG KORTE SUPREMA

0 103

Advertisers

Dahil tahasang sinasaklaw ng Korte Suprema ang poder ng Camara de Representantes tungkol sa pangangasiwa sa mga reklamong impeachment, mahirapan ang mga susunod na maghahain ng impeachment complaint laban sa mga abusadong opisyales. Ito ang dahilan: nilagyan ng mga balakid ng Korte Suprema ang paghahain.

Sa maikli, hindi magiging madali para sa sinumang may reklamo ang maghain ng impeachment complaint sa Camara. Pahirapan, sa maikling usapan. Kahit lehitimo ang reklamo, dadaan sila sa butas ng karayom dahil sa paraan na itinakda ng mga nagmamagaling na mahistrado na pawang hindi inihalal ng publiko at hindi mahahalal kahit tumakbo sila ng anumang puwesto.

Inilatag ng Korte Suprema ang bagong alituntunin sa mga impeachment complaint sa kanilang desisyon noong ika-25 ng Hulyo na nagsabing labag sa Saligang Batas ang anumang paglilitis kay Misfit Sara. Huwag magkamal; hindi proteksyon sa sambayanan ang desisyon, proteksyon ito kay Misfit Sara na inuusig ng Camara dahil sa bintang ng paglustay umano sa P612 milyon na salapi ng bayan sa magkasamang confidential fund sa OVP at Deped.

Isa-isahin natin. Una, kailangan detalyado ang mga ebidensya. Pangalawa, kailangan mabigyan ng pagkakataon ang sinumang opisyal na nahaharap sa impeachment complaint na sagutin ang reklamo. Pangatlo, kailangan ipakita ang anumang katibayan sa inirereklamong opisyal ang anumang katibayan hinggil sa reklamo.

Hindi kami abogado pero naiintindihan namin na pawang nasa Saligang Batas ang binabanggit ng Korte Suprema. Hindi namin alam kung ano ang pumasok sa isip ni Mahistrado Marvic Leonen nang isulat niya ang ponencia na sinang-ayunan ng 13 mahistrado na mga appointee ni Gongdi, ang tila nabaliw na dating pangulo na nakakulong ngayon sa bilangguan ng International Criminal Court (ICC) sa Scheveningen, Olanda.

Bahagi ng Bill of Rights ang mga kondisyones na binanggit ng Korte Suprema. Umabot sa 97-pahina ang ponencia ni Leonen at napaikot-ikot lang na sa pakiwari namin ay may malaking kalokohan na pinagtatakpan. Hindi kami nagtataka dahil sa maraming batikos na inabot ang ponencia ni Leonen at palasak sa mga ito ang giit ng mga kritiko na batay sa maling impormasyon ang desisyon.

Dahil maling impormasyon ang batayan, lumabas tuloy na malaking kamalian ang konklusyon. Ito ang dahilan kung bakit may motion for reconsideration ang Camara at dalawang grupo na may bahagi sa impeachment complaint. Nabisto na binigyan ng proteksyon ng Mataas na Hukuman si Misfit Sara. Nasira ang pinagkakaingat-ingatang reputasyon nito bilang huling sandigan ng katarungan.

Hindi pa tapos ang katampalasan ng Korte Suprema. Itinatakda ng mga bagong alituntunin na alam ng bawat kasaping mambabatas ng Camara ang impeachment complaint. Inobliga ang bawat isa sa mga halal ng bayan ng mga hindi inihalal at mahahalal na mahistrado ng Korte Suprema na magbigay ng sinumpaang salaysay (affidavit) na nilagdaan bilang patunay ang bawat affidavit. Walang presumption of regularity sa maikling salita.

Kailangan rin sumailalim ng plenaryo upang ganap na masuri ang impeachment complaint, ayon sa desisyon. Isa pang kondisyon ang pagkakaroon ng public hearing na kaharap ang defendant. Totoong ganap na sinaklaw ng Korte Suprema ang poder ng Camara na magkapareho ang poder sa ilalim ng Saligang Batas.

Mistulang diyos ang tingin ng Korte Suprema sa sarili. Wala silang paggalang sa prinsipyo ng separation of power sa ilalim ng Saligang Batas. Sinasaklaw nila ang poder ng Camara na magtakda ng sariling alituntunin pagdating sa isyu ng reklamong impeachment. Apektado kahit ang mga lehitimong impeachment complaint na ihahain dahil sa mga kondisyones na inilatag ng Korte Suprema.

***

HINDI nakipag sunugan ng tulay si Hen. Nick Torre, ang People’s General na sinibak ni BBM bilang hepe ng PNP dahil hinarap niya ng tama ang kanyang tungkulin. Dahil walang bintang na administratibo o kriminal laban sa kanya, sinabi ng Malakanyang na bibigyan siya ng panibagong tungkulin sa gobyerno. Hindi sinabi kung ano pero may pakiramdam kami na mas mataas pa ito sa PNP. Sana dahil sayang si Torre kung hindi bibigyan ng bagong posisyon.

Mabuti na lang at hindi maramdamin si Torre. May natatanging bait at paggalang sa sarili si Torre. Hindi pinabulaanan ng Palasyo o kahit ng kampo ni Jonvic Remulla sa DILG na tumangging lumagda si Torre sa panukalang bumili ang gobyerno ng mga bagong baril para sa PNP. Abot umano sa P8 bilyon ang halaga ng panukala. Hindi namin alam kung ano ang dahilan ng pagtanggi ni Torre pero nararamdaman namin na batid ni Torre na may kalokohan dito.

***

MAYROON balita na abot sa 265 na lugar sa Davao City ang apektado ng matinding baha sanhi ng ulan dala ng bagyo at hanging habagat. Hindi kami nagtataka na may pondo inilaan ang Kongreso na lampas sa P50 bilyon para sa flood control program doon. Nasa pangangasiwa ang pork barrel fund ni Kin. Polong Duterte, ang walang silbi na anak ni Gongdi.

Hindi namin alam kung ano ang nangyari sa pondo. Hindi rin namin alam kung ginamit o hindi sa flood control program ang salapi ng bayan. Ang alam namin ay patuloy na lumulubog ang Davao City. Kung lumulubog sa baha, malaki ang posibilidad na hindi nagamit ang salapi ng bayan sa programa para kontrolin ang baha. Hindi kailangan na maging masyadong marunong upang maintindihan ang ganitong bagay.