Advertisers

Advertisers

Kasakiman at pagiging ganid: katangian na ng tao noon, ngayon, at kailanman

0 78

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay?…” (Si Jesus, sa Mateo 16:26, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

KASAKIMAN AT PAGIGING GANID: KATANGIAN NA NG TAO NOON, NGAYON, AT KAILANMAN: Kung pag-aaralan nating mabuti, hindi maikakaila na iisa lamang ang namamayaning kasaysayan ng mga tao, noon, ngayon, at tiyak, magpakailanman.

Ito ay ang kasaysayan ng pagka-sakim, o pagka-gahaman. Sa yaman, sa posisyon, sa impluwensiya, o maging sa katanyagan.

Alam nating lahat na kasalanan sa diyos ang pagiging sakim, masama sa diyos ang pagiging gahaman, at hindi nalulugod ang diyos sa mga maka-sarili, mga maka-pamilya, o mga maka-kaalyado lamang.

Pero, gaya ng nakikita nating lahat, mas minamatamis o mas gusto pa ng marami ang maging sakim at gahaman.

Kahit alam nilang sumusuway sila sa salita at mga utos ng diyos sa kanilang pagiging ganid sa yaman, sa kanilang pagiging sakim at makasarili, tila hindi nila makuhang tumigil, o di kaya ay lumubay.

Kung tutuusing mabuti, parang bahagi na ng pagkatao ng tao ang pagiging tiwali, masama, o di kaya ay korap.

Katulad na lamang ng lutang na lutang na mga balita ngayon na may mga opisyales ng pilipinas na wala ng pagpipigil pa sa pagnanakaw ng pera ng gobyerno.

Ito yung tila buong layang pagnanakaw ng flood control funds, na sinasabing bilyones o di kaya ay trilyones ang halaga.

Ayon sa mga ulat, bagamat napirmahan na ng Pangulong Marcos ang mga taunang pambansang budget mula noong 2022, o yung taon kung kelan nag-umpisa ang kaniyang panungkulan bilang presidente ng Pilipinas, may mga opisyales na nagdagdag ng perang inilalaan para sa flood control projects.

Labag sa batas na maituturing ang ganitong pagdadagdag ng pondo para maging bahagi ng pambansang gastusin.

-ooo-

PAGSISINGIT NG BILYON-BILYONG PISONG FLOOD CONTROL FUNDS, IBINUNYAG: Pero, lumilitaw na may mga tao sa mga sangay ng ehekutibo at lehislatibo na walang takot magdagdag ng bilyon-bilyong pera, at pagkatapos ay ikakalat sa ilang mga piling mambabatas lamang.

Mga matataas sa gobyernong Marcos ang sinasabing gumagawa ng ganitong anomalya, at lumilitaw na ipinamudmod ang mga pondong ilegal na idinagdag sa budget sa mga mambabatas upang pabagsakin ang kanilang mga kalaban sa pulitika.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ito ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ang nakakapagtaka lamang sa ilang sektor ay ang pananahimik ng office of the ombudsman sa isyu.

Sa isang press conference noong Biyernes, ika 29 ng Agosto 2025, hiniling ng isang bagong tatag na non-governmental organization (NGO) ang agarang sariling imbestigasyon ng Ombudsman sa anomalya.

Ang NGO ay may pangalang “Ipabitag Mo Inc.”, o IBMI.

Pinamumunuan ito ng mga batikang mamamahayag na si Ben Tulfo, at ng Lider Disipulo ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo, Atty. Batas Mauricio, at ng iba pang mga mamamayanang nasusuka na sa pagnanakaw ng pondo ng gobyerno.

Sa hiling ng IBMI, pinakikilos nito ang Ombudsman upang magsagawa na ito ng tinatawag na preliminary investigation.

Ang preliminary investigation ay paunang hakbang upang usigin ang mga mambabatas—mga senador at mga congressmen at mga nasa dpwh—sa sandiganbayan, at papanagutin sila sa korapsiyon at plunder, dahil sa flood control fund scam.

Kung susuriin nating mabuti, tunay namang kasakiman, pagka-gahaman, at pagka-ganid ang namayani sa mga sangkot na senador, congressmen, at mga opisyales ng Department of Public Works ang Highways.

-ooo-

ANG DIYOS MISMO ANG KUMILOS UPANG IBUNYAG ANG ANOMALYA SA FLOOD CONTROL PROJECTS: Isipin natin, napirmahan na ng Pangulong Marcos ang mga taunang budget. Pero, matapos pirmahan ni PBBM ang budget para sa isang buong taon, gaya ng budget sa 2025, may mga lider sa Kamara at sa Senado na nagawa pang magsingit ng karagdagang mga gastusin para sa flood control funds.

At, bilyones o di kaya ay trilyones pa, ang kanilang idinagdag na mga pondo.

Nabisto ang anomalyang ito sa pagkilos ng Diyos mismo. Ipinakita ng Diyos ang kaniyang galit.

Noong 2024, ipinagmalaki ni Marcos na higit sa limang-libong flood control projects sa Kamaynilaan ang natapos na, at diumano ay pinakikinabangan ng mga taga Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Akalain mo ba naman, isang araw lamang halos pagkatapos na magmalaki ang Pangulo ng mga proyektong diumano ay titiyak na hindi na lulubog sa baha ang Metro Manila, umulan ng malakas, dulot ng bagyo at habagat.

Agad na tumaas ang tubig-baha, at nabistong wala palang flood control projects.

Makikita nating napopoot ang Diyos sa mga katiwaliang ginagawa ng mga tao sa gobyerno, lalo na yung mga nasa matataas na puwesto.

Ayon sa ulat, kasapakat nila ang mga contractors, na tila nalasing sa pagiging ganid at gahaman kaya naman inilabas pa nila sa telebisyon ang kanilang mga ilegal na yaman.

-ooo-

REACTIONS? Email: batasmauricio@yahoo.com; Cellphone +63 960 679 2567