Advertisers

Advertisers

FILM HERITAGE BUILDING NA KINONTRATA NG PAMILYA DISCAYA, TADTAD NG DEPEKTO — PALASYO

0 4

Advertisers

Isiniwalat ng Malacañang na hindi natapos sa tamang oras at may mga seryosong depekto ang Philippine Film Heritage Building sa Intramuros na kontrata umano ng pamilya Discaya.

Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, nitong Huwebes, Setyembre 4, ang deadline ng Great Pacific Builders and Gen. Contractor Inc., na pag-aari ng pamilya Discaya, para sa konstruksyon ng P107-milyong gusali.

Nabatid na ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act at inaprubahan noong Disyembre 20, 2024.

Handog sana nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa film industry ang pasilidad bilang pagkilala sa sining at kultura ng bansa.

Ngunit lumitaw sa inspeksiyon na hindi pa tapos ang ilang bahagi ng gusali, kabilang dito ang mga silid na walang tiles, bagsak na kalidad ng elevator, tagas at baradong palikuran, palpak na alulod, at hindi pa natatapos na theater facility.

Bunsod nito, nanganganib na hindi agad mapakinabangan ng mga nasa industriya ng pelikula ang pasilidad na inaasahang magiging sentro ng pangangalaga ng mga obra sa pelikulang Pilipino.

Samantala, tiniyak naman ng Malacañang na hindi palalampasin ang kapabayaan ng contractor at sisiguruhing maisasaayos ang gusali upang magamit nang tama ang pondong inilaan para rito. (Gilbert Perdez)