Advertisers
Hiniling ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na tanggapin ang pagbibitiw ng kontrobersiyal na pinuno ng Las Piñas-Muntinlupa District Engineering Office (LPM-DEO), kasunod ng mga alegasyon na nawawala ang P450 milyon sa pondo ng imprastruktura.
Hinikayat din ni Santos si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ilagay si Engr. Isabelo Baleros, pinuno ng LPM-DEO, sa immigration lookout bulletin upang hindi siya makalabas ng bansa habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa pamamahala ng mga multi-milyong pisong proyekto sa Las Piñas.
“Hindi lang ito simpleng pagkawala ng dokumento—pera ng tao ito. Hindi natin pwedeng hayaang hawakan ng mga opisyal ang daan-daang milyon nang walang pananagutan,” ani Santos.
Noong nakaraang buwan, inilipat ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan si Baleros sa DPWH Metro Manila 3rd District Engineering Office matapos hindi masagot ni Baleros ang pagtatanong ni Rep. Santos tungkol sa kinaroroonan ng P450 milyong pondo. Pinalitan siya sa LPM-DEO ni Engr. Ruel Umali.
Noong Agosto 30, 2018, nilagdaan ni dating Public Works Secretary—ngayon ay Senador—Mark Villar ang Special Order No. 135 na nag-appoint kay Baleros bilang acting head ng LPM-DEO, pinalitan si Engr. Elpidio Trinidad. Pormal na na-install si Baleros bilang district engineer mahigit isang taon matapos nito.
Ipinapakita rin ng mga tala na inappoint ni Villar si Engr. Ruel Umali bilang Officer-in-Charge ng DPWH Metro Manila 3rd District Engineering Office noong Enero 4, 2021, ilang buwan lamang matapos niyang ihain ang kanyang kandidatura para sa 2022 national elections.
Si Engr. Henry Alcantara, dating pinuno ng Bulacan First Engineering District na na-dismis at nasangkot sa ilang umano’y “ghost” flood control projects, ay inappoint din ni Villar noong Agosto 5, 2019.
Binanggit ni Santos na si Villar, na nag-appoint sa tatlong kontrobersiyal na district engineers, ay nanatiling tahimik sa isyu kahit siya ang chairman ng Senate Committee on Public Works and Highways.
“May pananagutan ang Senador Villar sa publiko. Kung personal niyang inasikaso ang mga appointment na ito, dapat niyang akuin ang responsibilidad at ipaliwanag kung bakit patuloy na nangyayari ang mga iregularidad sa ilalim ng kanyang pamamahala,” ani Santos.
Hinimok din ni Santos si Dizon, na nag-utos ng courtesy resignations mula sa mga undersecretary hanggang district engineers sa buong bansa, na tanggalin si Baleros sa serbisyo at magsampa ng kaso laban sa kanya dahil sa nawawalang P450 milyong pondo na nakalaan para sa Las Piñas.
Ayon kay Santos, pinatalsik ni Dizon si Alcantara matapos matuklasan ang isang ghost flood control project na nagkakahalaga ng higit ?96 milyon sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan.
Nagpirma rin si Alcantara ng dalawang kontrata para sa mga kuwestiyonableng flood control projects sa Bulacan: isa sa St. Timothy Construction Corp. ni Sarah Discaya na nagkakahalaga ng P94.6 milyon, at isa pa sa Wawao Builders na nagkakahalaga ng P74.6 milyon.
Binigyang-diin ni Santos na ang tatlong pangunahing proyekto ng imprastruktura na ito ay nagkakahalaga lamang ng P265.2 milyon—mas mababa pa kaysa sa P450 milyong pondo para sa Las Piñas na hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag ng DPWH central office. (Cesar Barquilla)