Advertisers
DISMAYADO si Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso sa ‘di magandang nangyari sa demostrasyon nitong Linggo, September 21, sa Maynila.
Sa kanyang pag-iikot Linggo ng gabi sa kahabaan ng C.M. Recto Avenue, nakita ni Mayor Isko ang mga nagkalat na mga basag na bote, mga kahoy, bato at mga sunog na motorsiklo matapos mag- “open fire” sa gitna ng kalsada ng Recto ang mga raliyestang kabataan.
Ikinadismaya rin ng alkalde ang walang habas na pagsira ng mga kabataang ito sa mga pag-aari o government properties tulad ng stop lights, steel barriers, advertisement glass boards na nakalagay sa mga center island ng kahabaan ng Recto, at vandalism.
Ayon sa alkalde, hindi ito gawain ng mga matitinong demonstrador dahil naging maayos naman ang protesta sa Liwasan Bonifacio, Luneta at Edsa.
“Pero bakit sa Ayala Bridge at Mendiola tila mga adik ang mga nagrali na walang ginawa kundi manggulo lamang at manira,” ngitngit ni Isko.
“I don’t think mga raliyista iyon. They were in their respective places in the morning and in the afternoon,” wika pa nito. “With due respect sa mga raliyista, okay naman sila sa Luneta, okay naman sila sa Liwasan, okay naman sila sa EDSA, bakit parang adik itong mga nandidito sa Mendiola?,” ayon sa alkalde.
Nitong Lunes, maagang binalikan ng alkalde ang Recto habang isinasagawa ang mu-ling pagpipintura sa mga dinumihan ng mga raliyista sa pamamagitan ng spray paint.
Diin ng alkalde, lahat ng nahuling ralyista ay may kakaharapin na parusa dahil nakilahok sila sa magulong demostrasyon at pagbabayaran ng mga ito ang kanilang ginawa.
“Nalulungkot tayo. Masyadong malaki ang damage na ginawa,” anang alkalde.
“Sumali ka, nakisapakat ka, nahuli ka, sama ka sa danyos. Criminal and civil, we will charge them, the City Government of Manila will charge them, whatever the Philippine National Police will charge them,”dagdag pa ng alkalde.
Ayon sa DILG, nasa 216 ang kabuuang bilang ng mga naa-resto sa marahas na kilos-protesta, 127 dito adults at 89 menor de edad.
Nasa 95 police personnel naman ang sugatan nang pagbabatuhin ng mga raliyista na pawang kabataang nakasuot ng itim na t-shirt at mask.
“Ipinagpapasalamat ko sa Philippine National Police, as you can see, nakita ninyo na ang kapulisan practiced high tolerance, literally, as much as they can. I praise the Philippine National Police for doing so and respecting the likes of those rallyists who expressed themselves,” dagdag pa ng alkalde.
Binanggit din ni Mayor Isko na isang dating pulitiko na Fi-lipino-Chinese at isang abogado ang itinuturong ‘funder’ o nagpondo sa mga kabataang sangkot sa kaguluhan sa naganap na rally nitong Linggo.
“Mayroong mga initial report, sketchy pa, may dating pulitiko, Filipino-Chinese ang funder. Tapos may isang abogado, funder din ng mga bata na ‘yun,” ani Domagoso.
Itinanggi naman ni Domagoso ang kumalat na balita na maraming nasawi. “‘Wag po kayo magpapaniwala. Kung maraming namatay eh ‘di sana nakita na ng media,” dagdag nito.
“Ako, feeling ko kasi, ‘yung mga nagpo-post na sinusugod sila ng pulis, may namatay, ito ‘yung mga nanggulo eh. Natatakot ngayon,” aniya pa.
Tinatayang umabot sa mil-yon-milyong piso ang pinsalang idinulot ng protesta sa Maynila, kabilang ang center islands, traffic lights, at sangkatutak na vandalism na isinasaayos ngayon ng lungsod. (Jocelyn Domenden)