Advertisers
NASAWI ang isang police captain, habang sugatan ang kasamahang pulis nang mauwi sa shootout ang pagsisilbi nila ng warrant of arrest sa isang wanted sa kasong murder sa Barangay Sudlon 2, Cebu City, Sabado ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Captain Joel Deiparine, nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Lapu-Lapu City Field Unit, habang sugatan si Executive Master Sergeant Artchel Tero.
Natagpuang duguang nakabulagta si Deiparine sa tabi ng kalsada na may sugat sa mukha at katawan malapit sa sumemplang na motorsiklong sinasakyan nila ni Tero.
Ang opisyal ay idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan, habang si Tero ay patuloy na ginagamot at nasa ligtas nang kondisyon.
Sa ulat ng Cebu City Police, 6:00 ng gabi nang magtungo sa lugar sina Deiparine at Tero upang isilbi ang warrant of arrest sa wanted person na si Leonardo Manto, residente sa lugar, kaugnay ng kasong pagpatay.
Nanlaban umano ang target at isa pa nitong kapamilya, kungsaan agad pinaulanan ng bala ang dalawang pulis.
Sa tala, unang nasakote ng pulisya si Jun Manto noong Hulyo 2023 sa kasong illegal possession of firearm, habang ang kasamahan nitong si Renante Manto ay nasakote Marso 12, 2022 sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Patuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad sa mag-anak na salarin, na nakabaril sa dalawang pulis.