Advertisers
NASAWI sa pamamaril ang dalawang security guards sa loob mismo ng tanggapan ng Bureau of Internal Revenue sa Ipil, Zamboanga Sibugay nitong Martes ng madaling araw, November 4.
Kinilala ang mga nasawing sekyu na sina Arcadz Dawila Muharal, 41 anyos, ng Tungawan sa Zamboanga Sibugay; at Dante Miro Jamie, 52, taga-Naga, isa sa mga bayang sakop din ng naturang probinsya.
Sa hiwalay na mga ulat nitong Miyerkules ng Zamboanga Sibugay Provincial Police Office at ng tanggapan ni Brigadier General Eleazar Matta, director ng Police Regional Office-9, maselang mga tama ng bala sa katawan ang sanhi ng agarang pagkamatay ng mga biktima.
Natagpuang parehong walang buhay ang dalawa sa loob ng BIR office, nakahandusay at duguan Martes ng umaga.
Ayon sa municipal officials at mga imbestigador ng Ipil Municipal Police Station, tinangay ng mga salarin ang file storage disk ng security camera system sa BIR office kaya nahihirapan ang mga imbestigador sa pagkilala sa kanila.
Inatasan na ng director ng PRO-9, si Brig. Gen. Eleazar Matta, ang mga opisyal ng police unit sa Zamboanga Sibugay na sikaping makilala agad kung sino ang mga responsable sa pagpatay sa dalawang security guards upang masampahan ng mga kaukulang kaso.