Advertisers
Tinututukan ngayon ng pamahalaan ang pagpapanumbalik ng komunikasyon sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Uwan, kung saan umabot na sa 66% hanggang 82% ng signal ng mga telecommunication company ang naibalik sa kanilang mga nasasakupan.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na inaasahang sa mga susunod na araw ay ganap nang maibabalik ang lahat ng signal sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Castro, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-utos sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang restoration efforts upang mapabilis din ang daloy ng impormasyon at koordinasyon sa mga lugar na labis na naapektuhan ng kalamidad.
Paliwanag ni Castro, mahalagang maibalik agad ang komunikasyon dahil ito ang susì sa mabilis na pagtugon ng gobyerno sa mga pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng bagyo.
Samantala, siniguro ng Palasyo na patuloy ang DICT sa pakikipag-ugnayan sa mga telco providers upang mapabilis ang pagbangon ng mga lugar na pansamantalang naputol ang komunikasyon dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan. (Gilbert Perdez)