Advertisers
ISANG agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nanakot na ipapahiya sa publiko ang ka-relasyon na babaeng mayroon siyang mga maselang larawan at video kung hindi magbibigay ng “protection money” at makikipagtalik sa kanya ang naaresto ng mga pulis sa entrapment operation sa isang motel sa Cotabato City nitong Martes, October 11.
Tatlong mga pulis mula sa Cotabato City Police Precinct ang nagtamo ng mga pasa at bukol sa ulo nang nanlaban ang naturang PDEA agent, na pansamantalang kinilala sa pangalang “Ronwill”, bago nila ito tuluyang naikulong.
Kinumpirma nitong Miyerkules ng local executives sa Cotabato City at ng traditional Moro community leaders na tumulong sa entrapment operation na nakakulong na ang 37-anyos na si Ronwill, nahaharap sa mga kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, at coercion sa ginawang pamimilit sa 22-anyos na babae na makipagtalik sa kanya at bigyan siya ng pera para hindi ikalat sa publiko ang mga larawan nitong hubad.
Dati na umanong may tagong relasyon si Ronwill, may asawa, at ang kanya sanang bibiktimahing babae ay residente ng Rosary Heights 10 sa Cotabato City.