Advertisers
ISINIWALAT ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ang umano’y malaking papel ni noo’y Senate President Francis “Chiz” Escudero sa P109.592 bilyong budget cuts noong Bicameral Conference Committee hearings para sa 2025 Pambansang Budget.
Sa isang liham na ipinadala kay Pangulong Marcos noong Pebrero 2025 na ibinahagi ni Co sa Facebook at sa kanyang mga video exposé, idinetalye niya ang serye ng pagbabawas.
Ayon kay Co, iginiit ni Escudero ang paglilipat ng pondo para sa “preferred allocations” ng Senado, kabilang ang P200 bilyong share para dito.
Kabilang sa pinakamalaking tinamaan ay ang:
PhilHealth: P74 bilyong subsidy ang inalis, na aniya’y nagpapanatili sa pambansang health insurer.
Department of Education (DepEd): P10 bilyon ang pinutol sa computerization program. Gusto aniya ng House na ilipat ito sa school buildings, ngunit iginiit ni Escudero na sa DPWH mapunta ang pondo. May dagdag pang P1.692 bilyong bawas para sa bagong teaching positions.
Department of Agriculture (DA): P10 bilyon ang pinutol sa fertilizer voucher project.
Infrastructure Projects: P13.9 bilyon o kalahati ng pondo para sa flagship infrastructure projects ng administrasyon ang binawasan, kasama ang pondo para sa kalsada sa Batangas at Quezon.
Giit ni Co, ang mga desisyong ito ay hindi nanggaling sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Nilalayon niyang linawin ang “walang basehang akusasyon” laban sa House of Representatives. Ayon pa sa kanya, umabot sa P150 bilyon ang realignments ni Escudero at nagbanta pa aniya ito ng ‘reenacted budget’ kung hindi susundin ang kagustuhan ng Senado.
Ang P6.326 trilyon na national budget ng bansa nitong 2025 ang pinakamalaki sa kasaysayan.