Advertisers
MASASABING tahimik ngunit malinaw ang mensaheng ipinadala ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Executive Order No. 107.
Aba’y panahon na nga naman upang kilalanin at ayusin ang matagal nang pangangailangan ng ating mga kawal at iba pang uniformed personnel.
Hindi ito simpleng dokumento. Isa itong patunay na pinahahalagahan ng pamahalaan ang seguridad at kapakanan ng mga taong araw-araw humaharap sa panganib para sa bansa.
Hindi nakapagtataka na agad nagpaabot ng pasasalamat ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine Military Academy Alumni Association.
Sa kanilang pahayag, malinaw ang tono ng ginhawa at pag-asa. Ang dagdag na base pay at subsistence allowance ay hindi lamang usapin ng pera. Ito ay pagkilala sa sakripisyong hindi nasusukat ng anumang numero.
Para sa bawat sundalo, piloto, marinong nagbabantay sa hangganan, ang base pay hike na ito ay isang paalala na hindi sila nakakalimutan.
Sa pagtaas ng sahod sa loob ng tatlong taon—2026, 2027, at 2028—binibigyan ang ating uniformed personnel hindi lamang ng dagdag-kakayahang pinansyal, kundi dagdag-lakas ng loob na ipagpatuloy ang trabaho nilang madalas hindi nakikita ngunit marapat pahalagahan.
Mula AFP hanggang Coast Guard, mula DILG hanggang BuCor at NAMRIA, lahat sila ay bahagi ng malawak na sistemang nagtitiyak ng kaayusan ng bansa.
Isa ring hakbang na matagal nang hinihintay ang P350 na subsistence allowance kada araw simula Enero 2026.
Sinasabing sa harap ng tumataas na gastusin, makatutulong ito upang mapagaan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng ating mga uniformed personnel.
Maliit man sa tingin ng iba, malaking bagay ito para sa mga pamilyang umaasa sa kita ng isang ama, ina, o anak na naglilingkod sa bayan.
Mahalaga ring pansinin ang ipinakitang kababaang-loob ng AFP sa kanilang pasasalamat. Anila, ang direktibang ito ay hindi lamang benepisyo, kundi simbolo ng tiwalang ipinagkaloob ng pamahalaan.
Kapalit nito, muli nilang tiniyak ang kanilang pagiging tapat at handa sa tungkulin, isang pangakong hindi kailanman nagbago kahit gaano kahirap ang hamon sa seguridad ng bansa.
Sa totoo lang, ang EO 107 ay isang paalala kung paano dapat tinitingnan ng pamahalaan ang tunay na investment—hindi sa makinarya, hindi sa proyekto, kundi sa tao.
Ang pag-alalay sa mga tagapagtanggol ng bayan ay pag-alalay sa mismong kinabukasan ng bansa.
At sa mga panahong maraming sektor ang humihingi ng pagbabago, mabuting simula ang nabanggit na desisyon ni PBBM.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.