Advertisers

Advertisers

Ano na, Ombudsman Boying?

0 52

Advertisers

NANININDIGAN si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na dapat masampahan ng kaso si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng multi-bilyon pisong flood control corruption. Dapat lang!

Sa kanyang year-end presscon, sinabi ni Sec. Vince na inirerekomenda ng kanyang pinamumunuang ahensya ang pagsasampa ng kaso laban sa 87 indibidwal dahil sa flood control mess, at bumabandera rito ang sinasabi ng karamihan na arkitekto ng anomalya sa budget na si Martin Romualdez at ang kanyang Appropriations Chairman noon na si dating Ako Bicol partylist representative Zaldy Co.

Ang nasabing katiwalian ay tumagal ng ilang taon, at aabot sa bilyun-bilyong pisong pera ng taong-bayan ang nawaldas at pinaghati-hatian ng mga sangkot gaya ni Romualdez, habang ang libu-libong pamilyang Pilipino ang paulit-ulit na dinidelubyo ng baha.

Pero sa kabila nito, tila wala parin tayong naririnig na aksyon mula kay Ombudsman “Boying” Remulla para mahingan ng pananagutan ang dating House leader.

Kahit papaano, pagdating kay Co, ay may malinaw nang direksyon ang kaso. May mga isinampang graft at malversation complaint, mayroon nang arrest warrants sa ibang maanomalyang proyektong iniuugnay sa kanya, at kanselado narin ang kanyang passport. Kasabay nito, naaresto narin ang karamihan sa mga dawit na pipitsugin sa anomalya. Maaaring malayo pang makamit ang hustisya, pero ang importante ay nagsimula na ang paghahanap dito sa mga piling tao.

Ang nakapagtataka ay ang hindi paggalaw ng kaso laban kay Romualdez. Mismo!

Noong Nobyembre pa nagrekomenda ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sampahan siya ng kaso. Pero hanggang ngayon, wala ni isang aktwal na kaso mula sa Office of the Ombudsman. Walang freeze order. Walang pormal na aksyon. Kahit pa lumalakas ang mga alegasyon ng unjust enrichment, kawalan ng oversight, at pag-abuso ng kapangyarihan sa flood control funds.

Mas tumitindi tuloy ang hinala na may pinuprotektahan ang Ombudsman, lalo’t kapartido, ka-brod sa Upsilon, at kaalyado ang nasasangkot. Habang ang ilan, kahit binura na ng ICI sa listahan, ay patuloy na tina-target, si Romualdez naman ay tila may VIP na pagtrato pagdating sa hustisya.

Ang nangyayari tuloy ay selective justice. Kung seryoso ang gobyerno sa anti-corruption, hindi pwedeng ang iba ay nilulunod sa kaso habang ang isang matigas ay inililigtas sa bagyo ng mga ebidensya.

May kasabihan tayo: “Ano inaantay mo, Pasko?” Pasko na po, Ombudsman Boying. Hello!!!