Advertisers
Nagpahayag ng pag-asa si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na magiging masagana ang taong 2026 nang malampasan ng lungsod ang mga hamong pang-ekonomiya noong nakaraang taon.
Ipinahayag ito ni Domangoso sa kanyang New Year message sa unang flag-raising ceremony ng pamahalaang lungsod na ginanap sa Manila City Hall noong Lunes, Enero 5, 2026.
Ayon kay Domagoso, pumapasok ang pamahalaang lungsod sa bagong taon na may panibagong lakas ng loob at determinasyon matapos ang mga pagsubok na hinarap noong 2025.
“Hanggang ngayon, nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos. Salamat sa Diyos na naitawid natin ang 2025, at umaasa ako na magdadala ang 2026 ng kasaganaan sa mga taga-Maynila at sa ating pamahalaang lungsod,” pahayag ni Isko.
Tiniyak din ni Domagoso sa mga kawani ng lungsod na paiigtingin ng kanyang administrasyon ang masinop, disiplinado, at epektibong paggamit ng pondo ng pamahalaang lungsod upang mapatatag ang pananalapi ng Maynila.
“Pipilitin nating maging masinop at maging epektibo sa paggasta,” ani Domagoso, habang kinikilala ang sakripisyo ng mga empleyado ng lungsod sa gitna ng mga kakulangan sa pondo noong nakaraang taon.
Binigyang-diin ni Moreno na ang pananampalataya, pagkakaisa, at sipag sa trabaho ang magiging susi sa pagharap ng lungsod sa mga hamon at oportunidad ngayong 2026.
“Patuloy tayong maniniwala, gagawin natin ang ating makakaya, at ang Diyos ang bahalang gagabay sa atin,” dagdag ni Isko.
Pinaalalahanan din ni Domagoso ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na umiiral ang serbisyo publiko dahil sa tiwala at sakripisyo ng mga nagbabayad ng buwis, kaya’t nararapat lamang na maglingkod nang may kababaang-loob, integridad, at malasakit.
Hinimok din ng alkalde ang mga empleyado na pangalagaan ang kanilang kalusugan at manatiling nagkakaisa, kasabay ng panawagang ipagdasal ang isang ligtas, maunlad, at mapayapang Lungsod ng Maynila sa taong 2026.
“Kung wala ang ating mamamayan, wala rin tayo. Ang ating pag-iral dahil sa kanila,” ani Domagoso. “Umaasa at nananalangin ako para sa isang ligtas, progresibo, at mapayapang Maynila.” (BP)