Advertisers
TODAS sa engkuwentro ng pulisya ang isang dating vice mayor na tinaguriang “Robin Hood” ng Kalinga at itinuturing na “high fugitive” na may P1-milyong patong sa ulo Mierkoles ng umaga, sa Barangay Poblacion, Labuagan, ng nasabing lalawigan.
Ang nasawi na kinilalang si Corey Dickpus, 64 anyos.
Sa ulat, idineklarang patay si Dickpus sa Kalinga Provincial Hospital pasado alas-2:00 ng madaling-araw.
Ayon sa pulisya, magsisilbi sila ng warrant of arrest sa kasong murder at frustrated laban kay Dickpus sa Sitio Tocpao, Barangay Poblacion Lubuagan nang sumiklab ang putukan nang siya umano’y manlaban.
Tinamaan ng bala si Dickpus at agad isinugod sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay, habang isang pulis ang nasugatan sa insidente.
Si Dickpus, dating bise alkalde ng Lubuagan, ay may patong sa ulo na P1-milyon, at itinuring ng Philippine National Police (PNP) bilang isa sa mga most wanted sa bansa. Nauna narin siyang itinalagang most wanted person sa Cordillera kaugnay ng kasong double murder habang siya ay nagsisilbing barangay captain ng Poblacion.
Itinuro rin si Dickpus bilang pangunahing suspek sa masaker noong 2000 na ikinamatay ng limang ma-ngangalakal mula Pangasinan. Sa kabila ng pagiging wanted, kinikilala siya ng ilan sa kanyang mga “kakailyan” o kababayan bilang mapagbigay at handang tumulong sa mga nangangailangan.
Iginiit ng pulisya na ma-dalas itinatago o ipinagtatanggol si Dickpus ng kanyang mga kababayan sa mga naunang tangkang pag-aresto. Tumakbo siya bilang bise alkalde sa pambansa at lokal na halalan noong Mayo 2025 ngunit natalo.