Advertisers

Advertisers

3 HR staff ‘hinold’ ng construction workers sa ‘di pagpasahod

0 25

Advertisers

BAHAGYANG nagkatensyon sa isang corporate building sa Bonifacio Global City sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City matapos “i-hold” ng ilang construction workers ang tatlong staff mula sa Human Resource (HR) department Sabado ng gabi, February 7, dahil sa hindi naibigay na sahod.
Ayon sa barangay, nag-ugat ang insidente 7:15 ng gabi sa ika-29 palapag ng gusali kungsaan napigilan ang paglabas ng mga HR staff nang magprotesta ang mga manggagawa.
Sa kabila nito, nilinaw ni Barangay Kagawad Maricris Palma na hindi maituturing na “hostage-taking” ang nangyari kundi isang hindi pagkakaunawaan lamang.
“Hindi naman po totally hostage kasi po ang HR natin at saka construction [workers] ay nag-usap doon sa isang kwarto kung saan pinag-uusapan ang kanilang sahod,” paliwanag ni Palma.
Binigyang-diin din ng awtoridad na walang ginamit na patalim o anumang uri ng armas ang mga manggagawa habang nag-uusap sa loob ng gusali.
Batay sa salaysay ng mga HR staff, maging sila ay hindi alam na magkakaroon ng delay sa pagpapasahod sa mga construction worker.
Tumagal ang pag-uusap ng magkabilang panig sa loob ng gusali hanggang 10:00 ng gabi.
Ayon kay Kagawad Palma, 10:59 ng gabi nang dumulog sa barangay ang mga kinatawan ng HR at isa sa mga construction worker para ayusin ang gusot.
Sa huli, nagkasundo ang dalawang panig.
Ipinangako ng kumpanya na maibibigay ang lahat ng naantalang sahod sa Lunes, February 9, bagaman wala pang itinakdang eksaktong oras para rito.