Advertisers
BINAWIAN ng buhay ang isang barangay kapitan at ang kanyang pamangkin, habang sugatan ang kanyang misis na isang Sangguniang Bayan member at isa pang lalaki na kasamahan sa convoy, matapos silang tambangan sa bahagi ng Calaba Bridge sa Bangued, Abra, 6:00 ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Barangay Captain Ezequiel Parado, 35 anyos, ng Barangay Collago, Lagayan, Abra; at pamangkin na si Arline Doria, residente rin sa nasabing lugar.
Sugatan naman ang misis ng kapitan na si Sangguniang Bayan member Ailyn Parado, at isa pa nilang kasamahang lalaki na kasama sa convoy na kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan.
Tinamaan sa dibdib ang barangay kapitan habang sa ulo nasapol ang kanyang pamangkin. Hindi pa mabatid ang uri ng mga baril na ginamit ng mga salarin.
Ayon kay SB member Parado, habang binabagtas nila ang naturang bahagi ng tulay nang pagbabarilin sila, pati ang kanilang convoy, ng mga nakasakay sa isang sasakyan.
Wala aniyang natatanggap na pagbabanta ang kanyang mister dahil isa itong mabait na barangay official, na nasa pangalawang termino na bilang kapitan.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa krimen. (Rey Velasco)