Advertisers
Sa kasagsagan ng pagdinig sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, umusbong ang kwento ng 18 na umano’y dating Marines na nagsasabing sila ang naghatid ng maleta-maleta ng salapi sa ilang pulitiko kaugnay ng flood control projects mula 2023 hanggang 2025. Tinatayang P805 bilyon ang kabuuang halaga. Mabibigat na personalidad ang nadadamay. Subalit hindi nagtagal, napansin din ang mga kahina-hinalang bahagi ng naratibo.
Binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may discrepancies sa mga numero na inilabas kumpara sa opisyal na pondong inilaan para sa flood control sa parehong panahon. Kung may mali sa baseline data, paano magiging kapanipaniwala ang kabuuang salaysay?
May agam-agam din si Lacson sa layunin ng mga paratang. Lumutang ang mga ito kasabay ng ICC confirmation of charges hearing ng dating Pangulo.
“Ang pinu-project du’n, napaka-corrupt ng ICC ‘di ba? Dahil nilagyan ng $2 million, allegedly, through former Senator Trillanes,” ani Lacson.
Kapansin-pansin din ang timing—lumabas ang alegasyon isang araw bago ang paggunita sa EDSA People Power.
“Timing nila, bisperas noong Trillion (Peso) March, ‘yung 40th anniversary ng EDSA (Revolution),” dagdag ni Lacson.
Para sa kanya, hindi ito simpleng pagkakataon lamang. Posible raw itong may bahid ng pulitika o bahagi ng panggugulo. Sa larangan ng pulitika, ang tyempo ay kadalasang sinasadya.
Samantala, iniulat ng Philippine Navy na apat sa 18 na nagpakilalang Marines ay hindi naman kailanman naging myembro ng Marine Corps. Kung mapapatunayan, seryosong usapin ito—hindi lang tungkol sa kredibilidad kundi pati sa posibilidad ng gawa-gawang identidad.
Nasangkot din ang pangalan ni Malayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima. Ayon sa alegasyon, tumanggap umano siya ng maletang may pera mula 2022 hanggang 2025. Ngunit siya ay nakapiit hanggang November 2023 at nahalal lamang noong 2025 elections. Hindi rin siya kabilang sa Kongresong nag-apruba ng 2025 national budget. Kung wala siyang direktang partisipasyon sa paglalaan ng pondo, ano ang batayan ng umano’y pagbibigay sa kanya ng milyun-milyong piso?
Mabigat ang ganitong mga akusasyon kaya nararapat na imbestigahan. Ngunit mahalaga ring tutukan ang mga puwang at inconsistencies sa kwento. Sa ganitong kalaking paratang, hindi sapat ang press conference at dramatikong salaysay. Kailangang may dokumento, bank trail, service records, at malinaw na pagkakatugma ng mga detalye.
Sa panahon ng matinding ingay sa pulitika, madali ang gumawa ng headline pero mahirap magpatunay gamit ang ebidensya.