Advertisers

Advertisers

Diskarteng QCPD vs krimen, brainstorming ang tsampiyon

0 20

Advertisers

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na kakaiba na ang panahon ngayon – puno na ng makabagong teknolohiya ang mundo kaya nagiging mabilis ang takbo ng buhay.

Sa makabagong panahon, hindi na ubra iyong nandyan lang ang pulis at sa halip, kailangan nang sumabay sa makabagong teknolohiya sa paglulutas ng krimen o kung maari ay sa pagsawata.

Batid din natin na maging ang mga kriminal ay madiskarte na rin ngayon – gumagamit na rin sila ng makabagong teknolohiya.

Hindi na rin ubra ngayon ang estilong nandyan ang pulis – sa pamamagitan ng habulan sa kalsada sa panghuhuli ng mga kriminal kung saan ito ay isang mas kumplikado at mas mapangahas.

Dahil dito, may panibagong diskarte ang QCPD – gumawa ang pulisya ng isang malaking hakbang sa pamumuno ni PBGen. Randy Glenn Silvio. Ang estilo ay pamamagitan ng Special Investigation Team (SIT) Case Conferences. Ang layunin ay masigurong walang kasong “natutulog.”

Sa ilalim ng sistemang , hindi na uso ang maging isang “superman” at hindi na rin uso ang kanya-kanya ( sa pelikula lang iyan) kung hindi sama-sama. Unity ‘ika nga ang pinaka-dabes pa rin.

Iyong bang hindi na nakatago ang impormasyon sa isang yunit lang. Kapag nagtitipon-tipon ang mga hepe mula Station 1 hanggang 16, kasama ang mga eksperto sa CCTV, cybercrime (DACU), at imbestigasyon (CIDU), nabubuo ang isang “super team.” Ang impormasyong hawak ng isa ay nagiging sandata ng lahat.

Makikita na dito ang tunay na kahulugan ng “Intelligence-led Policing.” Hindi na ubra dito ang basta-bastang sumusugod kundi gumagamit sila ng datos, siyensya, at masusing pag-aaral sa bawat galaw ng kriminal.

Isa na rito ay ang mahalagang papel ng CCTV bilang mata ng hustisya – sa pamamagitan ng forward at backward tracking sa CCTV.

Maraming beses ng nangyayaring ang kriminal ay nakakatakas sa crime scene, pero hindi sila makakatakas sa mata ng teknolohiya.

Sa mga kuha ng CCTV, pagdugtung-dugtungin ng QCPD ang kuha ng mga camera sa bawat lasangan ng lungsod kung saan ay nagpapakita na ang Quezon City ay nagiging mas maliit na lugar para sa mga nagnanais gumawa ng masama.

Ang lingguhang pagpupulong ay pagpapakita ng accountability – mag-uulat ang mga opisyal ng progreso ng limang kaso o higit pa bawat linggo. Sa estilong ito ay nawawala ang puwang para sa kapabayaan.

Pero siyempre, gaya ng sinabi PBGen Silvio, hindi lang ito laban ng pulisya. Ang tagumpay ng SIT ay nakasalalay din sa tiwala ng tao. Ang pagtawag sa E911 o sa QC Helpline 122 ay hindi lamang pag-uulat; ito ay pakikibahagi sa pagpapanatili ng kaayusan.

Sa diskarteng ito ng QCPD, patunay na ang seguridad ng lungsod ay hindi lamang nasusukat sa dami ng bilang ng patrol car, baril, bala at iba pa kundi dahil sa brainstorming ng bawat opisyal o ng mga bumubuo ng QCPD…at siyempre dahil rin sa tindi ng dedikasyon ng mga taong nasa likod ng imbestigasyon.