Advertisers
NAILIGTAS ng mga tauhan ng Philippine National Police–Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang apat na menor de edad, kabilang ang isang limang araw pa lamang na sanggol, nang mabunyag ang bentahan ng mga sanggol sa internet sa San Pedro, Laguna.
Ayon sa PNP-WCPC, nadiskubre ang operasyon nang magsagawa ng cyber patrolling ang mga awtoridad kungsaan natukoy ang isang suspek na nag-aalok ng sanggol sa halagang P35,000 sa isang online platform.
Sinabi ni WCPC chief Brig. General Sheila Marie Portento na nagpanggap na buyer ang isang operative ng pulisya nang makita ang post ng suspek na nagbebenta ng sanggol online.
Nabatid na ang mag-asawa ay nagsisilbing “reseller” o middleman na nakikipag-transaksiyon sa pagitan ng mga nagbebenta ng sanggol at mga potensyal na bumibili sa internet.
Napag-alaman din na mismo ang mga magulang ng tatlo sa mga nasagip na menor de edad ang sangkot sa pagbebenta ng kanilang mga anak.
Ayon sa pulisya, tinatawag ng suspek ang sarili bilang “baby locator”, at bukod sa sanggol na inalok sa undercover agent ay mayroon pa itong ibang sanggol na ipinag-aalok mula sa iba’t ibang lugar kabilang ang Pampanga, Pangasinan at Laguna.
Sa ilang kaso, natuklasan ng mga imbestigador na iniaalok sa online ang mga sanggol kahit nasa sinapupunan pa lamang ng kanilang mga ina.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagkakilala ang reseller at ang mga magulang ng mga sanggol sa pamama-gitan ng isang online site na ginagamit sa kanilang mga transaksiyon.
Nasa kustodiya na ng PNP-WCPC ang mag-asawa, nahaharap sa patong-patong na kaso kaugnay ng ilegal na pagbebenta ng mga sanggol.
Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang matunton at madakip ang iba pang sangkot, kabilang ang mga magulang ng mga sanggol na ibinibenta online.