Advertisers

Advertisers

SMUGGLING AT NAKAWAN SA CALABARZON SA GITNA NG KRISIS!

0 1,399

Advertisers

TULAD sa inaasahan, patuloy na “sumisipa” ang presyo ng produktong petrolyo sanhi ng patuloy na digmaan sa pagitan ng magka alyadong sandatahang lakas ng Estados Unidos at Israel laban IRGC (Islamic Revolutionary Guard Corps) ng Iran.

Ang di mapigilang “pagsirit” ng oil and petroleum product likha ng krisis sa Middle East ay nagkakaroon naman ng “domino effect”sa pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan sa ating bansa.

PNP Region 4A Director BGen. Hansel Marantan at ang mga kuta ng smuggler / buriki /paihi sa Brgy. Guinhawa sa bayan ng Tuy at dalawa pang kuta ng smuggler, buriki/paihi sa Brgy. Banaba West, Batangas City.

Ilang araw pa lang ay mahigit na sa Php 80 ang pump price ng krudo at gasolina. Nagsipagtaasan din maging ang iba pang oil at petroleum product tulad ng Liquified Petroleum Gas (LPG). Inaasahan na muling itataas pa ang presyo ng krudo at gasolina sa susunod na linggo.

Ang malaking suliraning ito ng bansa ay lalong pinalalala pa ng talamak at di sinusugpo na smuggling at pagnanakaw ng produktong petrolyo na ipinuspuslit papasok sa ating bansa ng mga ocean going vessels at barges sa mga tagong dalampasigan at pribadong pantalan sa Cavite, Laguna, Batangas at Quezon.

Ang mga nakaw na produkto naman ay nagmumula sa mga hinahakot ng mga tanker at capsule truck mula sa iba’t ibang petroleum depot sa kapuluan. Hayag na pugad ng mga oil and petroleum smuggler at pilferage o buriki/paihi group ang CALABARZON.

Ang mga grupo ng sindikatong ito ang nagpapasasa sa gitna ng paghihirap ng ating mga kababayan.

Hindi lamang milyones kundi bilyones ang nahaharbat ng grupo ng mga smuggler at magnanakaw ng petroleum product lalot nabibili ng sindikatong buriki/paihi ang nakaw na gasolina at krudo sa mga kasabwat na tanker truck driver sa halagang Php 48 kada litro habang Php 500 naman ang halaga ng kada tanke ng11lbs. na “pinasingaw” na LPG.

Ngunit ang nakapanlulumo na malaman ay kasosyo pa pala ang ilang matataas na police official ng mga sindikatong ito na nag-ooperate sa CALABARZON kaya di masawata ang ilegal na operasyon ng mga ito. Ilan sa mga sindikatong ratsada ang operasyon ay ang pinamumunuan nina alyas Medic Ferrer, Egay at alyas Kernel Lakay sa tapat ng Brgy. Guinhawa Elementary School sa bayan ni Tuy Mayor Jose Jeccerel Cerrado.

Balewala ang babala laban sa mga sindikatong ito ng kauupong Region 4A PNP Director BGen. Hansel Marantan. Bago pa man nahirang bilang pinakamataas na pinuno ng kapulisan sa naturan rehiyon ay nakapag sagawa na ang mga operatiba ni Gen. Marantan ng mga pagsalakay sa mga kuta ng cigarette smuggler at buriki sa lalawigan ng Batangas.

Naging malaking batayan ang kanyang accomplishment upang maitalaga si Gen. Marantan ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. bilang PNP Regional 4A Director, ang rehiyon na kinikilalang “ hot bed” ng mga sindikato at iba’t ibang uri ng elementong kriminal.

Ngunit kaalinsabay ng pag upo sa pwesto ni Gen. Marantan ay kataka- takang muling nagbukas ang dalawang kuta nina alyas Medic Ferrer, Egay at alyas Kernel Lakay na dati ay naipasara na sa Brgy. Banaba West, Batangas City isa rito ay nasa tapat pa naman ng Brgy. Banaba West Integrated School.

Ipinagbabanduhan nina alyas Medic Ferrer, Egay at alyas Kernel Lakay na “pasok” na sila sa mga tanggapan ng PNP Region 4A. Hindi naniniwala ang SIKRETA na itataya ni Gen. Marantan ang kanyang marangal na pangalan sa tulad ng mga lider ng naturang sindikato?

Liban kina alyas Medic Ferrer, Egay at Kernel Lakay ay may “pasingawan” naman ng LPG ang isang alyas Sgt. Mercado na may alyas ding Buny sa Brgy. Malainin sa bayan ng Ibaan habang patuloy din ang “padating” ng mga barko at barges, pagdedeliver ng mga tanker driver ng mga nakaw na petrolyo sa kuta ni alyas Balita sa Brgy. Simlong, Batangas City.

Dapat kumilos si Gen. Marantan at alamin nito kung bakit hindi gumagalaw si Batangas PNP Acting Provincial Director Col. Marlon Rufo, pati na ang kanyang mga police chief sa bayan ng Tuy na si Maj. Roy M. Cuevas, Ibaan Police Chief Maj. John Leo Cuasay at Batangas City Police Chief LtCol. Ira Morello.

Sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite ay tuloy-tuloy din ang pagpapanakaw ng Violago Group, Aman at Aldo ng petroleum at LPG product sa gitna ng nagaganap na pandaigdigang krisis sa industriya ng petrolyo.

Sakaling di pa alam ni Gen. Marantan, ay nagkalat din sa CALABARZON ang mga police tong collector na ang ipinanakot pa ay ang kanyang pangalan. Sa probinsya ng Quezon ay sina alyas Jhay Ponce aka Milan at alyas Sgt. Rey na pati ang pangalan ng NBI Quezon District ay ipinangangalakal; alyas Magsino sa Batangas; Hero sa Cavite; alyas Sgt. Mendoza at alyas Cadaweng sa Rizal; alyas Sgt. Adlawan at Marvin sa buong Region 4A. Si alyas Marvin ay operator din ng mga saklaan sa Lipa City kasosyo ang grupo ng policewoman na si alyas Sgt. Michelle.

May 500 ang nag-ooperate na mga pasugalan sa buong rehiyon, na karamihan pa ay kasosyo ang ilang mga aktibong pulis, 50 gambling den na tradisyunal na peryahan na lalong kilala sa tawag na pergalan sa Batangas; 30 sa Laguna, 25 sa Quezon, 15 sa Cavite at 12 sa Rizal. Hindi dapat tantanan ni Gen. Marantan ang mga katarantaduhang ito sa kanyang hurisdiksyon. May Karugtong…

***

Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144