Advertisers

Advertisers

HIGIT 200 MAG-AARAL, BINIGYAN NG P10K CASH INCENTIVE NG CALOOCAN LGU PARA SA PINAKAMATAAS NA KARANGALAN

0 109

Advertisers

Kabuuang 222 mag-aaral mula sa Grade 6, 10, at 12 mula sa iba’t-ibang pampublikong paaralan sa Lungsod ng Caloocan ang nakatanggap ng P10,000 bilang cash incentive mula sa pamahalaang lungsod bilang pagkilala sa kanilang pagkuha ng pinakamataas na karangalan sa Taong Panuruan 2025-2026.

Naging regular na gawain ang naturang programa ng pamahalaang lungsod sa ilalim ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan bilang paraan upang kilalanin ang pagsusumikap ng mga nangungunang mag-aaral at hikayatin ang iba na tularan sila.



Binati ni Mayor Along ang mga awardees, kabilang ang mga mag-aaral na tumanggap ng iba pang parangal sa kanilang mga paaralan, at tiniyak ang pangako ng pamahalaang lungsod na patuloy silang susuportahan sa pagtupad ng kanilang mga pangarap sa hinaharap.

“Congratulations, achievers! Taon-taon na nating ginagawa ang pagbibigay ng insentibo para sa inyo at nawa’y mas lalo kayong magpursigi sa pag-aaral at sana rin ay magsilbi kayong inspirasyon sa inyong mga kapwa mag-aaral,” wika ni Mayor Along.



“Naniniwala ako na lahat kayo, magkakaroon ng magandang kinabukasan dahil sa ipinapakita ninyo ngayong pagpupursigi upang makamit ang inyong mga pangarap. Kaya naman hindi kayo pababayaan ng pamahalaang lungsod lalo na sa mga oportunidad na makatutulong sa inyong pag-aaral,” dagdag pa ni Malapitan.

Ipinahayag din ng punong lungsod na ang pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon sa lahat ng antas, nananatiling isa sa pinakamahalagang prayoridad ng kanyang administrasyon, at binigyang-diin na isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng lungsod ang pagpapadali sa proseso ng pagkatuto para sa mga mag-aaral at guro.



“Ipagpapatuloy pa natin ang pagbibigay ng libreng school supplies at ang modernisasyon ng bawat paaralan sa ating lungsod. Mula elementarya hanggang pagtuntong sa UCC, gusto natin na ang bawat mag-aaral at guro ay walang ibang iniisip kundi ang magturo at matuto,” wika ni Malapitan.

“Ang bawat programa para sa pagpapaganda ng ating mga paaralan at pagpapagaan ng buhay ng ating mga mag-aaral at guro, para sa pagbuo ng magandang kinabukasan para sa lungsod,” dagdag pa ni Mayor Along. (BR)