Advertisers

Advertisers

Libreng sakay sa Caloocan, tugon sa patuloy na pagtaas ng krudo

0 132

Advertisers

Upang maibsan ang pinagdadaanan ng sektor ng transportasyon dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sa mga lokal na gasolinahan, nakatakda ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan na ilunsad ang programang “Libreng Sakay” simula Abril 6, sa pakikipagtulungan sa mga asosasyon ng tricycle upang makapagbigay ng libreng sakay para sa mga commuter.

Ang “Libreng Sakay” ay magiging available tuwing rush hour, mula 7:00 a.m. hanggang 9:00 a.m. at 5:00 p.m. hanggang 7:00 p.m., kung saan ang mga kalahok na Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) na makakatanggap ng P695 para sa dalawang oras ng serbisyo bawat araw.



Ipinahayag ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang buong suporta ng lungsod sa pagbibigay ng tulong sa mga lokal na transport provider at tiniyak na may karagdagang mga programa na ipapatupad bilang paghahanda sa posibleng pagtaas pa ng presyo ng gasolina.

“Nais natin na tulungan ang sektor ng transportasyon at maging ang mga mananakay. Naglaan na po tayo ng pondo upang mabigyan sila ng insentibo na makakatulong sa kanilang hanapbuhay kasabay ng pagbibigay ng libreng serbisyo para sa mga kababayan nating commuter,” ani Mayor Along.



“Alam ko po na malaking pagsubok sa ating lahat ang pagtaas ng presyo ng langis dahil hindi lang po transportasyon ang apektado kundi pati na rin ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan, kaya naman makakaasa po kayo na nakalatag na po ang iba pang programa upang tugunan ang kasalukuyang krisis at paghandaan pa ang ibang mga posibilidad,” dagdag pa ni Along.

Bukod sa Libreng Sakay, nakatakda rin ang lungsod na maglunsad ng hiwalay na libreng transportasyon sa pakikipagtulungan sa mga organisasyon ng jeepney.



Maaaring magtanong ang mga interesadong aplikante sa kani-kanilang TODA Presidents o sa Tricycle and Pedicab Regulatory Services (TPRS).(BR)