Advertisers

Advertisers

Pagkaso ni Boying kay Chiz

0 139

Advertisers

NAKAKAPAGTAKA ang timing ni Ombudsman “Boying” Remulla sa kanyang huling mga pahayag tungkol sa flood control corruption.

Inanunsyo ng Ombudsman nung Lunes, Abril 6, na naghahanda na ng kaso ang kanyang ahensya laban sa mga umano’y sangkot sa anomalya sa national budget. So, wala pang pormal na kaso? Kung matibay ang ebidensya, hindi na kailangan ng paunang ingay. Tahimik na inihahain ang kaso, hindi ito ipinauuna sa headlines. Mismo!

Hindi rin klaro ang sinasabing may sabwatan sa pagitan ng ilang personalidad. Paano nangyari ang sinabi ni Boying na nag-conspire si Senator “Chiz” Escudero kay ex-Speaker Martin Romualdez, eh si Chiz nga ang isa sa mga unang naglantad ng “anomalya” ng dating House leader. Si Chiz din ang nagsabi kay Pangulong “Bongbong” Marcos tungkol sa flood control insertions.

Kung babalikan natin ang records sa mga nakaraang Kongreso, si Chiz ang paulit-ulit na kumukwestyon sa budget, lalo na kung bakit inuuna ang flood control kaysa agrikultura. Malabo naman yata ang paratang ni Boying.

Marami rin ang nagtaka kung bakit nabanggit si Escudero sa usaping ito, samantalang si Romualdez lang ang inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na kasuhan ng plunder.

Sa katunayan, si Escudero pa nga ang isa sa mga unang nagpangalan sa dating Speaker bilang utak sa likod ng flood control anomaly.

Makikita ng lahat ang pattern o galawan sa Kamara nitong mga nakaraang taon. Ang mga tunay na nakinabang ay ang mga kongresista na malapit sa House leadership noong panahon ng pamumuno ni Romualdez. Doon nagmula ang insertions. Doon umikot ang pondo. Hindi sa Senado. Mismo!

Kung tutuusin, walang malinaw at specific na alegasyon na personal na nakinabang si Escudero. Walang property trail. Walang biglang yaman. Samantalang sa kabilang banda, kitang-kita ang lawak ng ari-arian at impluwensya ni Romualdez. Nagkaroon ng special report ang ilang media tungkol sa kanyang 2.5-hectare estate sa Dover, Massachusetts, luxury villa sa Sotogrande, Spain, at properties sa Forbes Park, Makati na kanyang nakuha raw sa pamamagitan ng corporations, associates, at fraternity brothers. Sus!

Kung sinasabi pa na may problema na ang budget simula pa noong panahon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte, bakit hindi kasama sa imbestigasyon si Senator Juan Miguel Zubiri? Mababasa naman din sa mga ulat na ang ghost flood control insertions ay tumindi noong 2023 at 2024, panahon kung kailan si Zubiri ang Senate President. Boom!

Nakakapagtaka lang talaga ang pasabog ng Ombudsman lalo na kung babalikan ang mga totoong pangyayari. Si Escudero ang nag-ulat sa Pangulo tungkol sa anomalya sa national budget. Siya rin ang kumwestyon sa flood control allocations sa mga Senate hearing, at nagtulak na ilipat na lang ang pondo sa mas kritikal na sektor tulad ng agrikultura.

Baka naman pulitika ang nasa likod ng pagbibintang ni Ombudsman Boying kay Senator Chiz?

Kung ating matatandaan, noon lang December 2025 ay mismong si Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang nagbanggit ng pangalan ni Escudero sa posibilidad na “one-on-one” na laban sa pagka-Presidente sa 2028. May kinalaman ba ito sa pagsampa ng kaso ng kapatid niyang si Boying, na nataon naman na siyang Ombudsman?

Sa ganito kaaga, simula na ang maruming pulitika para sa 2028 presidential elections. Tsk tsk tsk…