Advertisers
Nananawagan si dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez ng mas angkop na polisiya para sa transport network vehicle service (TNVS) at motorcycle taxi sectors, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay Ginez, may maling pagkakaintindi sa sistema ng regulasyon na maaaring magdulot ng hindi magandang epekto sa mga lehitimong tsuper na kasalukuyan nang nahihirapan sa gastusin.
Sinabi ng dating LTFRB chairman na hindi tama ang sinasabing maraming kinukupkop na “tempo” drivers ang mga transport network company.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng patakaran ng LTFRB, ang Certificate of Public Convenience (CPC) ay nakatalaga sa sasakyan at operator, hindi sa isang driver lang. Dahil dito, aniya, maaaring magpalitan ang mga awtorisadong driver sa iisang sasakyan, gaya ng matagal nang sistema sa pampublikong transportasyon, gaya ng dyip at bus.
“Mas kumplikado ang sitwasyon kaysa sa lumalabas sa balita. Kung mali ang impormasyon, walang makikinabang, pati driver at pasahero,” ani Ginez.
Dagdag niya, normal lang na hindi tugma ang numero ng drivers sa isang platform at ang bilang ng CPC o Provisional Authority. Hindi ito ebidensya ng pagtatago, kundi resulta ng pagkakaiba ng paraan ng paglista ng gobyerno, na nakabase sa operator at sasakyan, kumpara sa datos per driver.
Tungkol naman sa tinatawag na “tempo” drivers na may mga nakabinbing aplikasyon, sinabi ni Ginez na under process ang mga ito at hindi dapat ituring na iligal. Bigay-diin niya, dapat lang bilisan ng gobyerno ang pagproseso para hindi mawalan ng kita ang mga driver dahil sa delay.
“Ang mga driver na may pending na CPC o Provisional Authority ay pwede pa ring bumiyahe basta nag-file sila ng extension,” lahad niya.
Sa usapin ng motorcycle taxi, sinabi ni Ginez na kailangan ding sumabay ang regulasyon sa reyalidad ng trabaho ngayon. Ayon sa kanya, maraming rider-partners ang sabay na gumagawa ng passenger at delivery services depende sa demand, na aniya’y normal naman sa digital gig economy.
Dapat aniyang rebyuhin ang kasalukuyang limit sa bilang ng motorcycle taxis, lalo na kung hindi na ito akma sa dami ng pasahero at aplikante. Aniya, makatutulong ang pagtaas ng cap para mas mapabuti ang serbisyo at madagdagan ang oportunidad sa kita ng riders.
Iminumungkahi ni Ginez ang apat na hakbang at ang mga ito’y ang paglilinaw sa data-request protocols, pagpapabilis ng proseso ng pagkuha ng CPC at Provisional Authority, pagrerebyu ng motorcycle taxi cap, at pag-update ng mga patakaran para tumugma sa modern transport system.