Advertisers
SA gitna ng seryosong alegasyon ng nepotismo sa Bureau of Customs (BOC), isang katotohanang hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang nangingibabaw dahil matapos daw ang ilang buwan mula nang ihain ang reklamo, first endorsement pa lamang ang naging aksyon.
Hindi ito simpleng usapin ng burukrasya kundi ito ay malinaw na larawan ng mabagal na pag-usad ng hustisya sa loob ng sistema, isang bagay na mas nakababahala kaysa sa mismong alegasyon.
Malinaw daw ang reklamo ng grupo ng mga empleyado at stakeholders ng BOC na isinumite sa tanggapan ni Department Finance (DOF) Secretary Frederick Go kung saan kinukuwestiyon nila ang Customs Personnel Order na nilagdaan ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na nagtalaga sa umano’y kanyang pinsan, si Intelligence Officer 3 Paul Oliver Nepomuceno-Pacunayen, bilang Field Station Chief ng Customs Intelligence and Investigation Service sa Port of Manila.
Binanggit na ang naturang appointment ay direktang sumasalungat sa prinsipyo ng meritocracy at lumalabag daw sa mga umiiral na patakaran laban sa nepotismo.
Binigyang-diin sa reklamo na sa ilalim ng 1987 Constitution, ang mga appointment sa civil service ay dapat nakabatay sa kakayahan at kwalipikasyon—hindi sa relasyon.
Dagdag pa rito, malinaw daw sa rules ng Civil Service Commission (CSC) na ipinagbabawal ang pagbibigay ng paborableng posisyon sa kaanak sa loob ng “third degree of consanguinity o affinity.”
Higit pa rito, itinuturing sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act na labag sa batas ang pagbibigay ng unwarranted benefits sa kamag-anak.
Sa madaling salita, hindi lang daw ito usaping etikal kundi posibleng legal na paglabag.
Hindi rin natatapos ang reklamo sa isyu ng appointment.
Kinuwestiyon din ng grupo ang pag-demote sa isa pang opisyal na si Troy Tan—mula sa pagiging Intelligence Officer 3 ay ginawang Intelligence Officer 1—ngunit umano’y nananatili ang parehong sahod.
Aba’y para sa mga nagrereklamo, ito ay malinaw na paglabag daw sa mga patakaran ng CSC hinggil sa hierarchy at salary structure, na lalo pang nagpapakita ng iregularidad daw sa loob ng ahensya.
Sa kabila ng sinasabing bigat ng mga paratang at malinaw na paglahad ng mga posibleng paglabag, nananatiling mabagal ang galaw ng proseso.
Mantakin n’yo, Disyembre pa raw noong nakaraang taon nang ihain ang reklamo sa DOF, subalit hanggang ngayon ay wala pang konkretong aksyon—maliban sa first endorsement.
Naku, ang hakbang na ito ay hindi pa imbestigasyon, kundi simpleng pagpasa lamang ng usapin, na lalo pang nagpapahaba raw sa proseso at nagpapalalim sa agam-agam ng publiko.
Mas lalong nagiging kritikal ang sitwasyon dahil ang Port of Manila ay isa sa pinakamahalagang international gateways ng bansa.
Ang anumang pagdududa sa integridad ng mga nakapuwesto rito ay may direktang epekto sa revenue collection, border enforcement, at tiwala ng mamamayan.
Sa ganitong kalagayan, ang bawat araw ng pagkaantala ay may kaakibat na panganib sa pambansang interes.
Dahil sa kawalan ng agarang aksyon, napilitan daw ang mga complainant na dalhin ang kanilang reklamo sa Office of the President (OP), Office of the Ombudsman, Department of Justice (DOJ), at National Bureau of Investigation (NBI).
Masasabi na ang kanilang panawagan ay simple ngunit mahalaga: agarang imbestigasyon at pananagutan para sa sinumang mapatutunayang lumabag.
Sa serbisyo publiko, ang mabagal na aksyon—lalo na kung first endorsement pa lang ang naaabot—ay hindi lamang kakulangan sa proseso, kundi malinaw na pagkukulang daw sa pananagutan.
Abangan!
***
Catch Gilbert Perdez on “IZ Balita Nationwide” over DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23 every Saturday from 6:00 AM to 7:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com
or at 0991-354-3676.