Advertisers

Advertisers

BNPP: Inilibing ang kinabukasan, pinayaman ang iilan

0 8

Advertisers

Sa bawat pagdating ng electric bill, hindi lang konsumo ang binabayaran ng Pilipino, kasama na rin ang mga maling desisyon ng nakaraan.

Isa sa pinakamabigat na “what if” sa kasaysayan ng bansa ang Bataan Nuclear Power Plant. Isang proyektong halos tapos na, bilyon ang ginastos, pero kailanman hindi pinatakbo.

Hindi aksidente kung bakit mahal ang kuryente sa Pilipinas. Pinili at pinayagan ito. At hanggang ngayon, pinapakinabangan.

Kung may isang proyektong puwedeng magbago ng kapalaran ng Pilipinas, iyon ang Bataan Nuclear Power Plant. Mahigit 620 megawatts ang kapasidad.

Itinayo sa panahon ni Ferdinand ‘Macoy’ Marcos Sr. bilang pangmatagalang sagot sa krisis sa enerhiya.

Vision? Malinaw. Murang kuryente. Tuloy-tuloy na supply. Industrial growth.

Nakatayo pa rin bilang paalala ang Bataan Nuclear Power Plant, isang dambuhalang monumento ng maling desisyon at interes ng iilan.

Isang tanong ang matagal nang bumabagabag: bakit nga ba sa Bataan itinayo ang nuclear power plant?

Hindi lingid sa kaalaman ng mga eksperto na ang lokasyon nito ay malapit sa fault lines at sa Mount Natib, at hindi rin kalayuan sa Mount Pinatubo na kalauna’y pumutok noong 1991.

Sa isang bansang nasa Pacific Ring of Fire, hindi simpleng usapin ang pagpili ng lokasyon para sa nuclear facility.

Sabi ng ilan, dumaan ito sa technical studies. Sabi naman ng iba, mas nanaig ang pulitika kaysa siyensya.

At dito na pumapasok ang mas mabigat na tanong: bakit tayo gumastos ng bilyon-bilyon para sa proyektong hindi naman nagamit?

Sinasabi ng mga opisyal noon: “ligtas.” May pag-aaral. May assessment. Pero sa likod ng teknikal na paliwanag, may bulong ng pulitika at negosyo.

Dahil ang totoo, hindi lang lokasyon ang kwestyonable. Pati presyo.

Nagkakahalaga ang BNPP ng mahigit $2 bilyon -utang na binayaran ng sambayanang Pilipino sa loob ng maraming taon, kahit hindi kailanman nakapag-generate ng kahit isang watt ng kuryente.

Iginawad ang kontrata sa kumpanyang Westinghouse Electric Corporation, sa gitna ng mga alegasyon ng overpricing at komisyon.

Dito pumapasok ang pangalan ni Herminio Disini—isang negosyanteng malapit sa kapangyarihan noong panahong iyon. Siya ang sinasabing naging middleman sa deal, at inakusahan sa ibang bansa ng pagtanggap ng malaking komisyon kapalit ng proyekto.

Sa huli, hindi lang simbolo ang BNPP ng isang hindi nagamit na planta, simbolo ito ng kung paano nagtatagpo ang pulitika, negosyo, at kapangyarihan.

At sino ang kumita?

Ito ang klasikong kwento: gobyerno ang umutang, pribadong interes ang kumita, taumbayan ang nagbayad.

Pagdating ng administrasyon ni Corazon Aquino, tuluyang pinahinto ang planta.

Safety concerns, sabi nila, lalo na matapos ang Chernobyl disaster.

Makatuwiran? Oo. Pero may kapalit.

Dahil imbes na ayusin o pag-aralan kung paano mapapakinabangan ang bilyong puhunan, mas piniling isara at tuluyang ibaon sa utang ang bayan.

Pagdating naman kay Fidel V. Ramos, ginamit ang krisis sa kuryente para buksan ang pinto sa pribadong sektor, ang IPP contracts, take-or-pay deals, garantisadong kita.

At dito na pumasok ang modernong mukha ng oligarkiya sa enerhiya.

Kahit hindi mo gamitin ang kuryente, magbabayad ka. Kahit mahal, wala kang choice. Kahit may mas murang alternatibo, hindi na pinili.

At hanggang ngayon, sila pa rin ang nasa likod ng switch. Kaya huwag na tayong maglokohan.

Ang mahal na kuryente, hindi lang dahil sa kakulangan ng supply.

Produkto ito ng dekadang desisyon, mula sa pagpili ng maling proyekto, hanggang sa pagprotekta sa interes ng iilan.

Kung hindi napolitika ang Bataan Nuclear Power Plant, maaaring iba ang kwento ngayon. Maaaring mas mababa ang singil sa kuryente. Maaaring mas competitive ang industriya. Maaaring mas maraming trabaho.

Pero hindi nangyari.

At ang mas nakakabahala, tila wala pa ring malinaw na leksyon na natutunan.

Hanggang ngayon, nananatiling larangan ng malalaking interes, mahihinang polisiya, at kulang sa long-term vision ang enerhiya sa Pilipinas.

Kung tunay nating nais umunlad, kailangang putulin ang siklo ng pulitikang nakikialam sa imprastraktura at oligarkiyang nakikinabang sa kahinaan ng sistema.

Dahil sa dulo ng lahat, iisa lang ang sigurado:

Habang ginagawang negosyo ng iilan ang kuryente, mananatiling madilim ang kinabukasan ng nakararami.

Sa dulo, isang malinaw na larawan ang naiwan:

Isang plantang hindi pinaandar.

Isang utang na binayaran.

Isang sistemang kinontrol.

At isang bayang hanggang ngayon, na dahil sa maruming politika ay nagbabayad pa rin kaya lubog sa putik at hirap ang buhay ng Filipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.