Advertisers

Advertisers

CIDG ‘PAIHI’ DRIVE: P12M PRODUKTO KUMPISKADO, DRIVER NG OIL TANKER KULONG

0 3,363

Advertisers

HINIHIKAYAT nina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at PNP chief General Jose Melencio Nartatez, Jr. ang publiko na maging mapagmatyag sa mga “paihi operation” sa kanilang lokalidad, kasunod ng pagkaaresto kamakailan sa isang tanker truck driver na nagresulta sa pagkakumpiska ng humigit-kumulang sa P12 milyon halaga ng nakaw na petrolyo sa kuta ng sindikato sa bayan ni Lemery, Batangas Mayor Ian Alilio.

Kinilala ang naaresto sa alyas “Juan”, 38-anyos, ng Camarines Norte, at driver ng tanker truck na may kargang milyones na halaga ng petrolyo mula sa UniOil Petroleum Depot sa Barangay Sinisian, Lemery at idedeliber sa Bacoor City, Cavite.

Sa halip na idiretso sa Bacoor City, idinaan ni Juan ang tanker truck sa kuta ng sindikatong pinamumunuan ng isang alyas Villanueva, isang nasibak na police sergeant ng Laguna; at Delson alyas Etring Payat, sa Brgy. Mataas na Bayan, Lemery, malapit sa ilegal na pasugalan ng isang alyas Malou.

Naaktuhan ng mga operatiba nina CIDG Regional 4A Field Unit 4A chief Colonel Ganaban Ali, at Batangas CIDG Provincial Field Unit head LtCol. Bryan Dexter Andulan si Juan sa aktong nagsasalin ng milyones na halaga ng petrolyo sa mga container, drum at ICBM plastic container sa kuta nina Villanueva at Delson alyas Etring Payat. Nakatakas naman ang mga kasamahan nito.

“Nakatakas” din sina Villanueva at Etring Payat bago pa naisagawa ang police raid 9:45 ng gabi. Hinala ng mga awtoridad may “nakapagtimbre” sa dalawa sa pagsalakay ng CIDG operatives.

Kakasuhan si Juan kasama ang mga nakatakas na sina Villanueva at Etring Payat ng paglabag sa P.D. 1865, na nagpapataw ng mataas na parusa sa illegal trading, hoarding, overpricing, adulteration at short-selling ng mga produktong petrolyo.

Batay sa datus, nakapaglunsad na ng serye ng “anti-paihi drive” ang PNP sa Malabon-Navotas area, Quezon City at Caloocan City, ngunit patuloy parin sa kanilang operasyon ang mga tusong kapita-lista ng sindikato.

Tiniyak nina Sec. Remulla at Gen. Nartatez, Jr. na sinumang sangkot sa operasyon ng naturang sindikato ay kanilang pananagutin.

Gayunman ay patuloy at ‘di natitinag ng CIDG at maging ng plisya ng PNP Region 4A sa ilalim ni BGen. Hansel Marantan ang ope-rasyon ng grupo ng sindikatong Violago, Amang at Aldo na nagkukuta sa Zigzag Road, Brgy. Bancal Carmona City, Cavite na home-province mismo ni Sec. Remulla.

Nagkukunwaring may permit ang naturang sindikato mula sa Energy Regulatory Board (ERB), Carmona City Local Government at iba pang ahensya ng pamahalaan upang malinlang ang mga awtoridad sa kanilang pagbebenta ng mga produktong petrolyo.

Nguni’t sa halip na magbenta ng mga petrolyo, sila ang namimili ng mga nakaw na produkto sa napakababang presyo mula sa mga magnanakaw na tanker driver, at iniimbak sa kanilang kuta saka ipinabebenta sa mataas na bilihan sa mer-kado.

Katulad sa Carmona City ay pa-tuloy ang operasyon ng “paihi/buriki” ng grupo ng isang alyas Medic Ferrer, Egay, alyas Colonel Lakay na may alyas ding LtCol. JJ Cruz at Manny sa Brgy. Guinhawa, bayan ni Tuy Mayor Jose Jecerrel Cerrado; at “paihi/pasingaw” ng LPG ng isang alyas Sgt. Bunny na may alyas ding Sgt. Mercado sa bayan ni Ibaan Mayor Jane Casas. (CRIS A. IBON/KOI LAURA)