Advertisers

Advertisers

Higit 91K residente, 41 brgys. apektado ng ashfall ng Bulkang Mayon

0 12

Advertisers

PUMALO sa mahigit 91,000 residente ang apektado ng ashfall mula sa Mayon Volcano, habang patuloy ang clearing operations kasabay ang mga ulat ng pagkamatay ng mga alagang hayop sa ilang lugar.

Ayon kay Guinobatan Mayor Ann Gemma Ongjoco, aabot sa 26,654 pamilya o 91,225 indibidwal sa lalawigan ang naapektuhan ng pag-ulan ng abo habang umabot naman sa 41 barangay ang natabunan ng makapal na abo na nagdulot ng matinding abala sa pang-araw-araw na gawain ng mga residente.

Tatlong barangay lamang ang hindi gaanong naapektuhan, bagamat walang ipinatupad na sapilitang paglikas.



Sa mga pangunahing kalsada, halos zero visibility ang naranasan dahil sa kapal ng abo, dahilan upang mag-deploy ng mga fire truck mula sa iba’t ibang bayan para sa agarang paglilinis. Nagdulot din ito ng panganib sa mga motorista at pansamantalang pagkaantala sa daloy ng trapiko.

Dahil inilipat ang paggamit ng tubig sa road clearing operations, nagkaroon din ng pansamantalang pagkaantala sa suplay ng tubig sa ilang lugar, kaya’t napilitang umasa ang mga residente sa mga hydrant.



Samantala, sinabi ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV ng Office of Civil Defense na naglaan na ng fuel assistance ang pamahalaan upang mapabilis ang paglilinis ng mga kalsada.

Dagdag pa niya, nananatiling passable ang mga pangunahing daan at wala pang naitatalang malawakang pinsala sa imprastraktura.



Malaki rin ang pinsala sa sektor ng agrikultura, kung saan natabunan ng abo ang mga palayang malapit nang anihin.

Sa bayan ng Camalig, iniulat naman ni Mayor Carlos Irwin Baldo ang pagkamatay ng ilang alagang hayop bunsod ng ashfall, bagamat patuloy pa ang beripikasyon sa eksaktong bilang.

Ayon kay Doreen Abelinde, officer-in-charge ng Mayon Observatory, ang ashfall ay dulot ng serye ng aktibidad ng bulkan kabilang ang strombolian eruptions, pyroclastic density currents, pagguho ng lava dome, at panandaliang lava fountaining. Umabot umano sa 3,000 metro ang taas ng ash plume.

Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, na nangangahulugang may posibilidad ng karagdagang pagsabog, kaya’t patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga safety protocol.