Advertisers
Iginiit ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Huwebes, Mayo 7, na hindi niya hahayaang magutom ang mga Manileño sa harap ng pandaigdigang krisis habang personal niyang ipinamahagi ang ayuda sa San Andres Sports Complex sa Malate.
Sa ilalim ng programang Kaagapay sa Kabuhayan ng Manila Department of Social Welfare, tumanggap ng tig-P5,000 ang bawat benepisyaryo bilang panimulang puhunan para makapagsimula o makapagpalawak ng maliit na negosyo tulad ng karinderya, banana cue, meryendahan, at iba pang kabuhayan.
Kinilala ni Domagoso ang mabigat na epekto ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East sa kabuhayan ng mga pamilyang Manileño at sa ekonomiya ng bansa.
Ayon sa alkalde, dapat ituring ng mga benepisyaryo ang ayudang natanggap bilang “seed money” na palalaguin sa pamamagitan ng disiplina at mahabang pananaw sa buhay.
“Habang may buhay, may pag-asa. Gusto ko isapuso ninyo. At hindi lang isapuso’t isipan, dapat n’yo ‘yun isagawa,” ani Domagoso.
Ikinuwento rin niya ang karanasan ng kaniyang ina sa Tondo bilang halimbawa ng sipag at tiyaga.
“Yung nanay ko, pagkakakita ng lote, nagtatanim ng talbos ng kamote. Talbos ng kamote ang tinanim, bahay na ang tumubo,” aniya.
Ayon kay Domagoso, hindi malaking puhunan ang sikreto sa pag-unlad kundi tiyaga, diskarte, at wastong paghawak ng pera.
Binalikan din niya ang kuwento ng isang benepisyaryo noong panahon ng pandemya na napaunlad umano ang P1,000 ayudang natanggap hanggang maging matagumpay na negosyong tampok na ngayon sa TikTok.
“Isang libo lang yung nakuha niya, isa na siyang sikat na kainan,” saad niya habang hinihikayat ang mga tumanggap ng ayuda na palaguin din ang kanilang natanggap.
Hinimok din ng alkalde ang mga benepisyaryo na pairalin ang tinawag niyang “delayed gratification” o pag-iipon at muling paglalagak ng kita sa negosyo sa halip na gastusin agad.
“Wag mong ipagpagana sa sarili mo dala ng meron kang sobra sa ngayong araw na ito. ‘Yun ay patuloy mong isuli, itabi, at hangga’t maaari, ibalik mo sa negosyo,” dagdag niya.
Bukod sa cash assistance, namahagi rin ang lungsod ng 100 starter kits sa pitong uri ng kabuhayan: Unisex Hair Cutting (28 kits), Massage (19), Nail Care (15), Bread and Pastry (14), Hair Dressing (11), Cookery (8), at Skin Care (5).
Ang mga benepisyaryo ay mula sa anim na distrito ng Maynila, BASECO, at Manila Manpower Development Center (MMDC), kung saan umabot sa kabuuang 1,020 katao ang natulungan.
Prayoridad sa programa ang persons with disability (PWDs), solo parents, mahihirap na senior citizens, special cases, at mga nagtapos sa MMDC.
Sa pagtatapos ng programa, nanawagan si Domagoso ng pagkakaisa upang tuluyang maibangon muli ang Maynila.
“Hindi ko kayang mag-isa. Kailangan ko kayong lahat. Magsama-sama tayo upang muling uminam ang sikat ng Manila Bay sa Lungsod ng Maynila, hindi sa atin man lamang kundi para sa susunod na salinlahi ng ating lungsod,” ani ni Mayor Isko.(BP)